Filtered By: Showbiz
Showbiz

Tyron Perez, inilibing na sa Tarlac; pero mga kaanak, dudang nag-suicide ang aktor


Inihatid na sa huling hantungan sa kanyang sinilangang bayan sa Concepcion, Tarlac ang Starstruck Avenger na si Tyron Perez nitong umaga ng Huwebes. Tulad ng inaasahan, dumagsa ang mga tao na naghatid kay Tyron sa kanyang libingan. Humabol din para magbigay ng huling respeto kay Tyron ang kapwa Starstruck Avenger na si Christian Esteban at ex-girlfriend ni Tyron na si Charee Pineda. Bago ang libing, kinapanayam ni showbiz reporter Lhar Santiago ang kapatid ni Tyron na si Ann Perez-Vergara. Ayon kay Ann, mami-miss nila ang kanilang bunsong kapatid na laging nagluluto sa kanila tuwing umuuwi ito sa Tarlac. Nais daw kasi ni Tyron na mala-reunion ang pagsasama-sama nilang pamilya kapag nasa Tarlac siya mula sa pagtatrabaho sa Maynila. Madalas din daw itong mag-text at mag-iwan ng paalala na lagi silang mag-ingat. “Mami- miss namin siya. Sana sa’n man siya ngayon maging masaya na (siya) at lagi kaming nagmamahal sa kanya." Ayon kay Ann. Dahil wala pang opisyal na pahayag ang pulisya kung nagpakamatay nga si Tyron, sinabi ng isa pang kapatid ni Tyron na si Jerwin Peres, na malaking palaisipan para sa kanila ang pagkakakita sa bangkay ng aktor sa likod na bahagi ng kotse. Para kay Jerwin, tila mahirap umanong isipin na maghahanap pa ng puwesto ang isang taong nagbabalak na magpatiwakal. Sa naunang panayam, maging ang ama ni Tyron na si Mang Carlito ay nagpahayag din ng pagdududa na nag-suicide ang anak. “Mabait ‘yan na anak… Hindi ko naman sinasabi kung sino pero alam ko hindi niya ‘yon magagawa," pahayag ni Carlito Perez, ama ni Tyron. Gayunman, malaki ang paniwala ng misis ni Tyron na si Liv Espino-Perez na nagpakamatay ang kanyang mister dahil kausap umano niya ito sa telepono nang marinig ang putok ng baril. Si Tyron ay nakitang duguan at wala ng buhay sa loob ng kanyang kotse na nakaparada sa Valenzuela City noong December 29. Nakita sa loob ng kotse ang isang caliber .22 na baril na hinihinalang ginamit sa pagbaril sa kanyang ulo. -- FRJimenez, GMA News

Tags: tryonperez