Filtered By: Showbiz
Showbiz

Shooting ng Hollywood film na Bourne Legacy, gagawin sa Metro Manila at Palawan


Tiniyak ni Chairman Francis Tolentino ng Metropolitan Manila Development Authority, na maaga itong magpapalabas ng abiso sa mga motorista sa mga lugar na pagdadausan ng shooting ng Hollywood film, “Bourne Legacy" sa ilang lugar sa Metro Manila. Iniulat sa GMA News Balitanghali nitong Miyerkules, na ilan sa mga lugar na kukunan ng eksena sa Metro Manila na gagawin ngayong Enero ay ang Intramuros, Navotas Fishport, Ramon Magsaysay Blvd., Ayala Avenue, Nagtahan, Pasay Taft, Jones Bridge, Marikina City Market at San Andres Market. Ang Bourne Legacy ay pagbibidahan ngayon ni Jeremy Renner na kabilang sa mga bida sa hit Hollywood movie na Mission Impossible: Ghost Protocol at Hurt Locker. Kasama rin sa pelikula sina Edward Norton (bida sa Incredible Hulk at Pride and Glory) at Rachel Weisz (bida sa suspense triller na  Dream House at Lovely Bones). Ito na ang ika-apat na yugto ng The Bourne franchise. Naging bida sa naunang tatlong Bourne movies si Matt Damon. Sinabi ni Tolentino na tatagal ng isang buwan ang shooting ng Bourne Legacy sa Pilipinas. Kaagad umanong magpapalabas ng abiso ang MMDA sa mga motorista upang maiwasan nila ang mga lugar na pagdadausan ng shooting. Partikular na rito ang mga kalye kunsaan kukunan ang mga eksena ng habulan ng sasakyan na hindi nawawala sa Bourne movies. Inaasahan ng opisyal na makatutulong ang pelikula para mai-promote ang turismo ng bansa sa mga dayuhan. Bukod sa Metro Manila, kukunan umano ang finale ng pelikula sa El Nido sa Palawan. - GMA News