Inspirasyon sa paglikha ng epicseryeng Amaya, inilantad
Isang sinaunang tradisyon na nanganganib nang mabura sa isipan ng mga Pilipino, at naitampok sa programang I-Witness, pitong-taon na ang nakalilipas ang naging inspirasyon sa paglikha ng kwento ng pinakaaabangang epicserye sa GMA 7, na Amaya. Taong 2004 nang akyatin ni GMA News reporter Kara David ang mataas na kabundukan sa Capiz upang hanapin ang itinuturing mga “huling prinsesa" ng tribung Panay-Bukidnon, na kung tawagin ay mga “binukot." Ang tradisyon ng “binukot" ay pagpili ng mga pinakamagagandang babae sa isang tribu. Ihihiwalay sila sa mga “karaniwang" dilag, aalagaan, 'di hahayaan na maarawan, o kahit makatapak sa lupa, at ituturing mga prinsesa.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa isang liblib na kabundukan sa Capiz natagpuan ni Kara ang itinuturing mga “huling prinsesa." Pero dahil napapabayaan na ang tradisyon na ito ng mga Pilipino na nagsimula bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila, isang matandang “binukot" na ang kanyang natadnan. “Nung napanood ko yung documentary (ni Kara sa I-Witness) nakita ko may binukot, may ganitong kultura. Because of that, nagkainteres ako sa kanila," kuwento ni Suzette Doctolero, nagsulat ng kuwento ni Amaya. Katulong ang dalawang historian mula sa University of the Philippines, isang taong sinaliksik at binuo ni Suzette ang kuwento ng epicseryeng Amaya. Pitong taon makaraan ang istorya tungkol sa binukot na ginawa ni Kara, muling masasaksihan sa telebisyon ang misteryo ng mga binukot sa pamamagitan ng Amaya na pangungunahan ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Ayon kay Suzette, panahon na para gamiting behikulo ang mga soap opera sa telebisyon upang magbigay ng edukasyon sa mga tao, at hindi lang para magbigay ng aliw sa mga manonood. “Its about time na ang soap ay maging vehicle din, ‘di lamang ng entertainment di ba, kundi naging educational na rin siya. Ito ay kwento…hindi basta kuwento lang na gawang-isip, kundi kwento ng kultura natin," pahayag ni Suzette. Ayon naman kay Kara, sa panahon na namamayagpag ang mga koreanovela at fantaserye, malaking sugal ang gumawa ng soap opera na tatalakay sa kultura at kasaysayan ng Pilipino. Pero kung ito umano ang paraan upang maipaalala sa isipan ng mga Pilipino ang naglalahong sinaunang mga tradisyon, sinasabing sulit ang lahat ng hirap at sakripisyo sa paglikha ng kwento ni Amaya. – Kara David/FRJimenez, GMA News