Filtered By: Showbiz
Showbiz

Involved in '94 MMFF mess: Viveka Babajee is dead


Natagpuan patay sa kanyang bahay sa India ang dating beauty queen (Miss Mauritius) na si Viveka Babajee, na nasangkot sa Metro Manila Film Festival (MMFF) scam noong 1994. Ibinalita ng Startalk host na si Joey de Leon nitong Sabado, na lumabas sa ulat ng South India Times na natagpuang nakabigti si Viveka sa kanyang bahay sa Mumbai nitong June 25. Si Viveka ay 37-anyos. Hinihinala umano ng mga awtoridad sa India na labis na depresiyon tungkol sa nobyo nito ang nagtulak kay Viveka para magpakamatay. Nagmarka kay Viveka ang linyang “take it, take it!" dahil sa nangyaring iskandalo sa awards night ng MMFF. Nauwi sa kontrobersiya ang seremonya dahil pinalitan ng mga presentor ang pangalan ng mga tunay na nanalo sa kategorya ng best actress at best actor. Matapos ang iskandalo, umalis ng bansa si Viveka at hindi na bumalik sa Pilipinas. Isang resolusyon din ang ipinasa ng Maynila para ideklara siyang persona-non-grata. Bukod kay Viveka, nasangkot din sa iskandalo sina Ruffa Gutierrez, kapatid niyang si Rocky, Gabby Concepcion , Neneth Medved at talent manager na si Lolit Solis, na host din ng Startalk. Clueless, mabait Ayon kay Startalk host Ricky Lo, huling naka-interview kay Viveka noong 1994 bago ito umalis ng Pilipinas, tila walang alam ang dating beauty queen sa kinasangkutang iskandalo sa Pilipinas. “Impression ko clueless siya kung ano nangyari (sa MMFF scam), inosente siya, pumasok siya sa sitwasyon na ‘di n'ya alam," pahayag ni Ricky. May indikasyon din umano noon na nais ni Viveka na pasukin ang mundo ng showbiz sa Pilipinas nang panahong iyon. Ngunit nilinaw ni Lolit na hindi niya talent si Viveka. Sa halip, nagpapatulong umano si Viveka na makapasok sa showbiz sa pamamagitan ng kapwa niya beauty queen na si Ruffa. Inako ni Lolit ang buong responsibilidad sa nangyaring iskandalo. “Kasi yung nangyari ‘di ba inamin ko naman na ako lahat ang mastermind, siyempre me mga kasali dun na ayaw namang umamin," pahayag ng talent manager. Nalulungkot umano si Lolit sa nangyari kay Viveka na tinawag niyang mabait nang makilala niya noong 1994. “Mukha naman siyang mabait, nandun siya…nang sinabi kong maging presentor siya sa best actress right away naman umu-oo siya," pagbabalik-tanaw ni Lolit. “…tapos lahat naman ng na-involved dun mukhang masaya na, masaya naman si Gretchen Barretto, masaya si Ruffa Gutierrez, si Gabby Concepcion nakabalik na. Kaya nalulungkot ako na ito ang nangyari kay Viveka," dagdag ni Manay Lolit. Nagpaabot din ng pakikiramay ang mga host ng Startalk sa mga naulila ni Viveka. Matapos ang iskandalong kinasangkutan sa Pilipinas, sinasabing naging matagumpay na commercial at fashion model si Viveka sa India hanggang sa nangyari ang trahedya sa kanyang pagpapatiwakal. - FRJimenez, GMANews.TV