Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ara Mina annoyed at rumors linking her to Pacquiao


Nakahanda raw si Ara Mina na harapin ang mag-asawang Manny Pacquiao at Jingky para matapos na ang intriga na nag-uugnay sa kanya sa tinaguriang “Pambansang Kamao" ng Pilipinas. Sa Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, hindi napigilan ni Ara na maglabas ng hinanakit dahil sa mga balitang lumalabas na nagsasabing may nakakita sa kanya sa Las Vegas nang harapin ni Manny ang pambato ng Britanya na si Ricky Hatton. Sa press conference ng kanyang soap na “Dapat Ka Bang Mahalin" sa Kapuso Network, mariing itinanggi ng aktres na nagtungo siya sa US at iginiit na nasa bahay lamang siya noong Linggo. Nakiusap ang dalaga sa press na itigil na ang pang-intriga sa kanya kay Manny dahil masaya na raw si Ara sa piling ng kanyang non-showbiz boyfriend na isang negosyante. At upang matuldukan na nga ang matagal nang usapin tungkol sa kanila ni Manny, sinabi ni Ara na handa niyang harapin ang mag-asawa. “Para matapos ‘to pagharapin kami ni Manny Pacquiao ‘di ba, kasama pa niya si Jingky para matapos na," paghamon ni Ara. “Maawa naman kayo…alam nyo nagpapakahirap ako sa puyat sa trabaho. Sabi ko nga ‘di ko afford na mawalan ng work kasi nga I’m still paying my house," idinagdag ng aktres. - Fidel Jimenez, GMANews.TV