Hirap na pinagdaanan ng lalaking may balat sa mukha, mapapanood sa 'Wish Ko Lang'
Wish Ko Lang!
Feb 3, 2018
“Balat”
Sa kanilang lugar sa Cabanatuan, madali raw hanapin at makilala si Jeff, siya lang kasi ang may malaking balat sa mukha roon. Hindi raw maiwasan na maging tampulan siya ng tukso ng dahil dito. Napaisip tuloy si Jeff na lahat siguro ng pinagkait na pagkakataon at kamalasan niya sa buhay ay dulot ng balat niya.
Pero hindi niya inaasahan na may isang tao na hahanga sa kanya sa kabila ng kanyang hitsura. Bilib daw kasi si Michelle kay Jeff dahil kabilang siya sa mga nakapasa sa board exams sa isang pamantasan doon. Hanggang sa ang pagkakaibigan nila ay humantong sa naging magkasintahan sila.
Ngunit nang mabunyag ng pamilya nila ang kanilang relasyon, higit na nadismaya ang lola ni Michelle. Kahit nasa hustong mga edad na sila, pilit silang pinaghihiwalay, wala raw kasing kinabukasang mahihita ang kanyang apo sa piling ni Jeff. May happy ending ba ang love story nila kung maraming kontra rito?
Tunghayan ang pagganap ni Carl Guevara, Arra San Agustin, Ralph Noriega, Prince Clemente at Lui Manansala para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.