Matinding pagmamahal ng isang ina, mapapanood sa 'Wish Ko Lang'
Sa bundok, nakatira ang pamilya ni Teresa at tanging sila lang ang naroon. Pero napansin niya na ilang kumilos ang panganay niyang anak na babae sa ama nito. Iyon pala, hinahalay pala kasi ng mister niya ang dalagita. Hindi siya nagdalawang isip para bumaba sa bayan para humingi ng tulong mapakulong ang asawa niya.
Nakamit man ang katarungan, magiging hudyat din pala ito ng bagong kalbaryo para sa kanilang mag-iiina. Kasalukuyang nagdadalangtao si Teresa noon at siya lang ang inaasahan para kumayod sa kanila. Iniwan na rin nila ang tahanan sa bundok dahil sa masaklap na ala-ala na hatid nito sa kanila. Hanggang sa nakakita siya ng sira at abandonadang truck, at ito na ang napagpasyahang nilang gawing kanlungan. Mahirap man, tiniis nila rito at hinarap ang mga bagong pagsubok sa buhay nila, gaya ng pagsilang mismo rito ni Teresa sa bunsong anak niya at may pagkakataon din na masalanta sila ng matinding bagyo rito.
Ngunit nagpakatatag si Teresa, dahil naniniwala siya na darating din ang inaasam niyang pag-asa para sa kanya at mga anak niya.
Tunghayan ang pagganap nina Barbara Miguel, Dan Alvaro at ang batikang aktres na si Gina Alajar para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.