Tunay na mukha ng pag-ibig, tampok sa 'Wish Ko Lang'
Sanggol lang noon si Juday nang maaksidente at mabanlian. Nagdulot ito ng pinsala sa kanyang mukha. Nagpeklat ito kaya hanggang sa kanyang paglaki, siya'y naging mahiyain at mailap sa tao. Hindi rin maiwasan ni Juday na mainggit sa ibang dalaga sa kanilang lugar. May mga nanliligaw at ang iba nama’y may mga nobyo na. Batid niya kasi na walang magkakagusto sa kanya dahil sa tila nakakatakot at nakakadiri niyang mukha.
Hanggang sa makilala niya si Ricky at mabilis nahulog ang loob ni Juday sa binata dahil tanggap siya at mas nakikita ang kagandahan ng kanyang loob kaysa sa panlabas niyang itsura.
Pero sa paglipas ng panahon, unti-unting nagbago si Ricky, ang mga malalambing na haplos ay napalitan ng pananakit. Kaya nagsisisi siya na siya'y nagtiwala at umibig? Habambuhay na bang magiging miserable ang kapalaran ni Juday?
Tunghayan sina Max Collins, Martin Del Rosario at Ces Quesada para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.