Binatilyong pinagmamalupitan ng mga kapatid, tampok sa 'Wish Ko Lang'
Mula nang magkaisip si Dodoy, hindi raw siya nakaramdam ni katiting na pagmamahal mula sa kanyang mga kapatid. Ayos lang sana kung matabang lang ang trato sa kanya pero ang mahirap nito, sinasaktan pa raw siya nila.
Walang alam na dahilan si Dodoy kung bakit naging ganito ang mga kamag-anak niya sa kanya, kaya lalong naging mahirap sa kanya noong pumanaw ang ina niya, na tanging kakampi niya sa tuwing naaapi siya.
Nang tuluyan ng maulila sa magulang at dahil bata pa siya noon, nagpalipat lipat siya ng matutuluyan. Sa puder ng kanyang mga kapatid, lalo niyang dinanas ang pag-aalila at pananakit nila.
Humantong na rin sa halos ikamatay niya ang pagbubugbog sa kanya ng kanyang ate, dito na siya nagpasya na umalis na lang at isugal ang kanyang kinabukasan sa ibang lugar.
Hindi raw masisisi si Dodoy kung bakit ang hiling ng kanyang puso ay mahanap na sana ang kapalaran na mapayapa at maaliwalas. Ang makapag simulang muli at malimutan na ang hapdi ng nakaraan.
Tunghayan sina Miggs Cuaderno, Felix Roco, Stephanie Sol at Gladys Reyes para isabuhay ang mga nakaka-antig na tagpong ito sa Wish Ko Lang!, kasama si Vicky Morales, Sabado ng hapon, pagkatapos ng Karelasyon sa GMA-7.