Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Gulong ng palad: Ang buhay ni Caloy ‘Ogag’ Alde


Ang mga larawang ginamit ay halaw sa pagsasadula ng kuwento. Mapapanood ang "Wish Ko Lang" tuwing Sabado ng hapon, 3:15 PM, pagkatapos ng Karelasyon. Para sa mga kuwento ng natutupad na kahilingan, bisitahin ang ‘Wish Ko Lang’ sa Facebook at Twitter at ang archives nito.

Sundan din GMA Public Affairs Facebook page para sa updates tungkol sa mga paborito ninyong dokumentaryo.



Isa sa mga sumikat na komedyante noong 1990s si Caloy Alde o mas kilala sa pangalang “Ogag.” Lahat ay humahalakhak sa bawat banat niya. Inaabangan siya lagi ng kaniyang mga taga-subaybay sa mga pinagbibidahan niyang palabas sa telebisyon tulad ng “Ogag” at maging sa ilang pelikula gaya ng “Sgt. Larry Layar.” Ngunit nasaan na nga ba ngayon ang tinaguriang “Mr. Bean of the Philippines?” Bakit tila nawalan ng kinang ang kaniyang bituin?

 
Bago magsimula ang lahat
 
Naging tindero ng tinapa, daing at balut si Caloy (Carlos Alde sa totoong buhay) noong siya ay binata pa. Paminsan-minsan ay tumatambay, kung minsan ay naghahanap ng puwedeng pagkakitaan.
 
Natural na raw sa kaniya ang pagiging palabiro. At dahil sa galing sa pagpapatawa, dito rin niya naakit ang kaniyang unang nobya, na ngayon ay asawa na niya, si Roda.

 
Hindi pabor ang mga magulang ni Roda sa kanilang relasyon. Hindi raw kaya ni Caloy na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang anak. Kaya naman sa hindi inaasahang pagkakataon, inilayo si Roda ng kaniyang mga magulang kay Caloy at ipinadala ito sa Amerika. 
 
Ngunit ang pangyayaring ito ay hindi hinayaan ni Caloy na sirain ang buhay niya. Sa katunayan, dito na siya mas nagkaroon ng lakas ng loob para makakuha muli ng trabaho at kumita ng pera.
 
Kinang ng kahapon
 
Unang nadiskubre ang galing sa pagpapatawa ni Caloy noong nanalo siya bilang first-runner up sa Tanghalang Tawanan, isang talent-search program sa telebisyon sa mga comedian. At sa kagustuhang makapagtrabaho sa industriya ng telebisyon, nagsimula siya bilang isang utility man at tagatimpla ng kape. Ito ang naging hakbang niya para mas makilala siya ng mga tao sa likod ng kamera.

 
Noong una ay ume-ekstra lamang siya at ginagawang katatawanan. Pero hindi nagtagal ay nabigyan na rin siya ng sariling palabas sa telebisyon, ang sitcom na “Ogag.” Sa palabas na ito ay mas tinangkilik siya ng publiko. Dito na rin nagsimulang dumagsa ang iba’t ibang proyekto na pinagbidahan niya tulad ng “No Read, No Write Pero Wais” at “Pares-Pares (Trip ng Puso).”

 
Dahil sa pagsusumikap ni Caloy, ito rin ang naging daan para muli silang magkabalikan ni Roda matapos ang labing-limang taon. Muli niyang niligawan ito. Nang makita ng mga magulang ni Roda na seryoso ang nararamdaman niya para dito, hindi na sila nagdalawang-isip pa na payagan ang relasyon ng dalawa. Hindi nagtagal at nagpakasal na sina Caloy at Roda at binuo ang kanilang sariling pamilya.
 
Ang pag-ikot ng gulong ng buhay
 
Tila isang hamon ang dumating sa buhay ni Caloy. Unti-unti nang nabawasan ang noo’y nakapilang mga proyekto sa kaniya. Ang ibang palabas niya, itinigil na lamang dahil hindi na kumikita. Masyado niya tiong itong dinamdam dahilan para takasan niya ang problema gamit ang droga. Ito rin ang nag-udyok kay Roda na iwan ang asawa ngunit ang pagdadalang-tao niya ang nagbigay ng lakas ng loob at nagsilbing inspirasyon ni Caloy para huwag siyang mawalan ng pag-asa.

 
Naging masigasig si Caloy at nagbaka-sakaling mapasama sa cast ng ilang programa sa telebisyon at pelikula ngunit hindi ito nangyari. Sa isang pagkakataon ay muli siyang nabigyan ng pagkakataong magpatawa muli sa isang entablado sa Bulacan pero hindi na siya tinatangkilik ng publiko.

 
“Sinubukan kong magpatawa. Hindi sila natawa. Pinaalis nila ako sa entablado,” malungkot na pag-amin ni Caloy sa kaniyang asawa.
 
Sa kabila ng sunud-sunod na hamon na dumating sa buhay ni Caloy, hindi umalis sa kaniyang tabi si Roda. Siya ang kaniyang naging sandigan. Siya ang tanging nagbibigay ng lakas ng loob sa kaniya para muling ipagpatuloy ang buhay.
 
Si Caloy ngayon
 
Isang taon na raw ang lumipas mula nang huling lumabas si Caloy sa kamera. Ito na raw marahil ang pinakamatagal na panahong naging matamlay ang kaniyang karera. 
 
“Mahirap nang ngumiti eh. Dati palagi akong nakangiti, ngayon hindi na,” sabi ni Caloy sa staff ng ‘Wish Ko Lang.’
 
Para mairaos ang pangangailangan nila, katulong ni Caloy ang kaniyang asawa sa pagbabantay ng kanilang sari-sari store. At para naman daw hindi masayang ang ibang oras ay iginugugol na lamang niya ito sa pagtitinda ng barbecue at iba pang ihaw-ihaw tuwing hapon.
 
 
“Iyon pala ang pinakamahirap na trabaho, ang maghanap ng trabaho,” pag-amin ni Caloy.
 
“Heto pa rin po ako, still alive and kicking. Puwede pa rin po akong magpatawa at humarap sa camera, at magpasaya,” dagdag niya.
 
Ang pagbabalik ni Caloy
 
Ang munting hiling ni Caloy sa Panginoon ay sana raw hindi maging pang-habangbuhay ang paghinto ng kaniyang karera. Kaya naman, ito ang tinupad ng ‘Wish Ko Lang.’ Muling mabibigyan ng pagkakataon si Caloy na mapasama sa bagong proyekto ng GMA News TV, ang “Juan Tamad” na mapapanood simula Agosto 23, 4:30 PM, sa GMA News TV.
 
Kasama rin sa bagong palabas na ito ang dating nakakasama ni Caloy sa kaniyang mga pelikula, si Marissa Sanchez.
 
“Mabait ito si Kuya Caloy. Very thoughtful, very generous ito eh. Nakakatuwa siya talaga,” sabik na sinabi ni Marissa nang muling makita ang komedyante.
 
Tila naging isang halimbawa si Caloy na kung minsan ang buhay ng tao ay nasa itaas, kung minsan naman ay nasa ibaba. Isa itong gulong ng kapalaran na puno ng iba’t ibang hamon sa buhay.---Laurence San Pedro/BMS