'Wish ko Lang' Staff Blog: Mga mata sa likod ng camera
Para sa mga kuwento ng natutupad na kahilingan, sundan ang ‘Wish Ko Lang’ sa Facebook at Twitter. Sundan din GMA Public Affairs Facebook para sa updates tungkol sa mga paborito ninyong dokyumentaryo.
Sino ngayon ang hindi nakakakilala kay Ate Charing?
Matapos maitampok ang kaniyang buhay at matupad ang kaniyang mga pangarap sa pamamagitan ng “Wish Ko Lang,” halos hindi na raw humihinto ang mga friend request ni Loth "Ate Charing" Procurato sa kaniyang Facebook account.
Nakilala si Ate Charing sa bansang South Korea dahil sa kaniyang mga nakakatuwang home video. Umabot na nga nang mahigit 300 views ang mga upload ni Ate Charing sa Facebook. Pero sa lahat ng mga nakakaaliw na video na ito, siyempre may cameraman na kumukuha --- si Kuya Diomz.
Tulad ni Ate Charing, puhunan din ni Kuya Diomz ang pagmamahal sa pamilya habang nararamdaman ang pangungulila sa ibang bansa.
Paano niya kaya ito natiis? Alamin ang buong kuwento sa staff blog ni Robert Oriondo, segment producer ng "Wish Ko Lang."
Kabaligtaran ng makulit na pagkatao ni Ate Charing, isang tahimik na lalaki ang nakita ko nang ipakilala sa amin ni Loth ang cameraman na kumuha ng lahat ng video niya sa Facebook.
Matagal na rin daw si Kuya Diomz dito sa Gwangju, South Korea. Kung hindi ako nagkakamali, mahigit limang taon na siya rito. Kahit naikuwento niyang nasa Valenzuela ang kaniyang mag-iina, mapapansin mong hindi siya sa Maynila lumaki dahil sa kaniyang "Visayan accent.”
Hindi kami nakapagkuwentuhan nang matagal ni Kuya Diomz dahil oras pa ng trabaho noon. Kikitain niya na lang daw kami sa lunch break para sabayan kaming kumain---sabay pasok sa pabrika ng chopstick at cooler.
Pagdating ng alas-dose nakipagkita ulit sa amin si Kuya Diomz.
"Sa labas na lang tayo kumain, baka hindi ninyo magustuhan pagkain sa cafeteria namin dahil matabang," sabi niya.
Doon pa lang naramdaman ko agad ang pagka-Pinoy niya. Dahil kami ay bisita, gusto niyang ipatikim sa amin ang pambatong pagkain ng kaniyang teritoryo.
Sa buffet resto kami dinala ni Kuya Diomz. Huwag daw kami mahiya. Kain lang nang kain. Sagot naman daw kasi ni Ate Charing ang lunch, sabay tawa. Ayos nga ang rekomendasyon niya, maanghang na pork stew, kanin at maraming kimchi ang nasa buffet table. May piniritong isda pa na endemic lang daw sa Korea.
Habang kumakain kami, doon ko siya naitanong, “May bayad ba maging cameraman ni Ate Charing?”
Wala raw. Magaling lang daw talagang mamilit at mangulit si Loth na kuhanan siya. Kahit pagod sa trabaho hindi niya mahindian si Ate Charing. “Bakit naman? Anong nakukuha mo rito?” tanong ko. Doon na siyang nagsimulang magkuwento tungkol sa pagkakaibigan nila ni Ate Charing:
"Roommates kami ni Ate Charing. Bago dumating dito sa Korea si Loth, mag-isa lang ako sa kwarto na ‘yun. Dalawa ang anak kong babae na naiwan sa Pilipinas, kasama nila ang mama nila. Iyon ang iniisip ko gabi-gabi kaya parati akong lasing noong. Sobra kasi homesick ko noon, umiiyak akong mag-isa, kinakausap ko mga picture nila, natatawa ako kapag naaalala ko ‘yung masasayang moments na kasama ko sila."
"Parang baliw ka na noon Kuya Diomz?” tanong ko.
Ngumiti lang si Kuya Diomz, “Hindi na bago ang nabubuang dito sa kumpanya namin. Mahirap ang buhay rito. Trabaho nang dose oras sa maghapon, matutulog, tapos trabaho ulit, kahit Sabado at Linggo. Kaya naman hindi lang physical torture, ang aabutin mo, pati mental.”
Blessing in disguise kumbaga ang pagiging roommates nina Ate Charing at Kuya Diomz. Pero inamin niya, hindi raw sila magkasundo noong umpisa.
“Noong una, naiinis pa ako sa kaniya dahil puro kabaklaan lang ang pinapakuhanan sa akin. Pero dahil nakikita kong maraming response sa mga katulad naming OFW na natutuwa sila at nakakalimutan ang problema, na-inspire na rin ako na maging official cameraman ni Ate Charing. Behind the scene man, alam kong part pa rin ako ng video na ‘yun,” kuwento niya.
Mula noon, unti-unti raw na nawala ang pakiramdam ng pangungulila ni Kuya Diomz.
"Pati kasi mag-iina ko natatawa sa mga video na ginagawa namin. Hindi na rin ako masyadong umiinom ngayon dahil masaya na sa kwarto. Na-realize ko rin na bakit ko pa papatayin sarili ko sa bisyo e nagpapakamatay na nga ako sa trabaho, baka mapabilis ako kunin ni Lord,” sabi niya sabay tawa.
Sa susunod na taon, matatapos na ang kontrata ni Kuya Diomz at makakauwi na siya para makasama ang kaniyang pamilya. Dahil marami na ring ipon, makapagpapagawa na siya ng bahay. Mga isang taon din niya makakasama ang pamilya niya bago bumalik ulit sa South Korea. Nang tanungin ko kung hindi ba siya muling malulungkot kapag nangibang-bansa, sagot ni Kuya Diomz:
Matapos maipalabas ang kwento ni Ate Charing sa “Wish ko Lang,” si Kuya Diomz ang pinaka-unang humingi ng autograph ni Ate Charing. Kapag daw mas sumikat pa si Loth, may presyo na rin ang pirma na ito.
“Sa pagbalik ko rito, hindi na masyadong malungkot dahil nadagdagan ang purpose ko sa mundo. Bukod sa mapabuti ang buhay ng aking mag-iina, instrumento rin ako para magpasaya ng kapwa.” ---BMS/ARP