'Ako ang Nagwagi' : Ang Awit sa Likod ng Buhay ni Eva Castillo
Minsan, maraming taon na ang nakalilipas, dalawang dalagita ang naghihintay sa likod ng entablado, kabado ngunit puno pa rin ng kumpiyansa. Malamig ang hangin sa Balagtas, Bulacan. Ilang saglit na lamang ay tatawagin na ang nagwagi. Tila lalong lumamig.
Ganito ang mga kinalakihang tagpo ni Minerva, o Eva, Castillo. Ipinanganak man at lumaki sa Tondo, Maynila, parating naglalakbay si Eva noon papunta sa mga karatig na probinsiya upang makalahok sa mga patimpalak. Nag-umpisa siyang sumali sa mga amateur singing contest noong siya’y anim na taong gulang pa lamang.
Sa liit ng pangangatawan ni Eva ay hindi aakalain ng sinuman na kilabot pala siya ng entablado. Tinatayang aabot sa 300 ang mga singing contest na sinalihan ni Eva—at sa lahat ng mga iyon, nakapag-uwi siya ng tropeo.
Nagsimulang tumunog ang tambol; pabilis nang pabilis hanggang sa biglang tumigil at pinalitan ng malakas na boses ng emceeng halos isigaw ang kaniyang pangalan.
“Congratulations, Eva Castillo!”
Hiyawan. Palakpakan. Umakyat siya sa stage at nakita ang mga kamag-anak na maligayang-maligaya sa kanilang kinauupuan. Nagsimulang tumugtog muli ang kaniyang minus-one. Isa pang awit.
Lumingon si Eva kung saan nakatayo ang natalong kaibigan. Nagtagpo ang kanilang mga mata na tila nagsasabing “okay lang ‘yan, sa susunod ako naman."
Naglaro ang ngiti sa labi ni Eva. Isang hingang malalim… one, two, three; at biglang bumirit muli.
Magkaribal
Hindi inakala ni Eva na mapanonood niya sa telebisyon ang dating karibal. Ang mas batang kaibigan na parati niyang tinatalo sa mga singing contest ay unti-unti nang sumisikat. Nagkaroon na ito ng masaganang karera bilang mang-aawit. ‘Di nagtagal ay naging aktres na rin at tuluyan nang nasakop ang mundo ng showbiz.
Sa kaniyang munting tirahan sa Maynila, kung saan nagsisiksikan sila ng kaniyang asawa’t mga anak, muling binalikan ni Eva ang mga sandaling siya ang nagwawagi sa mga singing contest na sinalihan nila ni Chona—o mas kilala bilang Regine Velasquez.
“Dati kasi, ang contest ‘pagka iyon na ‘yung tatak mong kanta, ‘di na kakantahin ng iba. May respeto pa ‘yung mga contestant sa isa’t-isa [noon] kasi magkakaibigan pa rin kami.”
Sa tagal ng panahon na lumipas magmula noong nagsimulang umawit si Eva hanggang ngayon, sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang mga pinagdaanan niya bilang bagitong singer.
“Ang lagi kong kinakanta noon, ‘Ako ang Nagwagi, Ako ang Nasawi’,” ani Eva. “Si Regine naman, ‘Bakit Ako Mahihiya?’”
At tunay nga namang si Eva ang nagwagi dahil mismong si Regine ay aminadong may kaba sa kaniyang puso sa tuwing makakalaban niya si Eva. Kung susumahin pa nga raw, nasa 75 lamang ang mga tropeo ni Regine kumpara sa halos 300 ng katunggali.
Pero iba kung tumakbo ang gulong ng buhay dahil imbes na maging tanyag ang kampeon, mas sumikat ang first runner-up.
Habang nakikilala si Regine ng mga Pilipino, nalilimot ni Eva ang pangarap niyang makatuntong sa entablado at sumikat gaya ng karibal—nabubura sa bawat araw na iniisip kung paano kukuha ng ipakakain sa mga anak, nawawaglit sa tuwing iniinda ang sakit sa kaniyang katawan.
Magkaibigan
Taong 2009 nang kumatok ang biyaya sa pintuan ni Eva.
Sa pamamagitan ng musical documentary tungkol sa buhay ni Regine na “Roots to Riches”, muling nagkita ang magkaibigan. Dito nagsimulang mabuhay ang mga pangarap ni Eva na akala niya’y hanggang panaginip na lang.
“After noong pinahanap [ako ni Regine], akala ko hanggang ganoon na lang. Hindi ko inakala na magtutuloy-tuloy pa pala,” sabi ni Eva.
Ipinakilala siya ni Regine kay Direk Louie Ignacio, na agaran namang naging manager ni Eva. Si Direk Louie ang tumulong sa kaniyang makakuha ng regular na paglabas sa mga programa ng GMA-7. Hindi malilimutan ni Eva ang kaniyang panahon ng pag-awit sa set ng “Mel & Joey”, “Sis”, at “SOP”.
Sa tulong naman ni Allan K., nakuha rin si Eva bilang regular na magtatanghal sa comedy bar na Klownz.
Magmula noo’y hindi na Chona ang tawag ni Eva kay Regine kundi “ate.” Tanda raw ng paggalang at pasasalamat sa dating karibal na naging tunay niyang kaibigan.
Magkaramay
Nakaluwag sa buhay sina Eva sa loob ng tatlong taon na inilagi niya sa showbiz. Maayos ang kalagayan ng kaniyang mga anak, ng kaniyang trabaho, at bukod sa kirot na nararamdaman sa bandang likuran, maayos din naman si Eva.
Pero taong 2012 noong hindi na kinaya ni Eva ang sakit. Nilisan na niya ang pagkanta sa telebisyon at unti-unti na ring huminto sa pagtanggap ng mga gig. Nanumbalik siya sa kaniyang buhay sa Maynila at sinikap na itaguyod muli ang kaniyang mga anak sa kung anong paraan na kaniyang makakaya.
Kahit na may iniinda ay hindi nagpatingin sa doktor si Eva.
Hulyo nitong taon, tuluyan nang naratay si Eva sa ospital dahil tinamaan ng sakit ang pareho niyang kidney. Ang isa ay tinubuan na ng mga bato habang ang isa nama’y nakitaan ng bukol.
“Napakatapang na babae niyang si Eva,” sabi ng kaniyang asawa. Pero nitong nakaraang dalawang buwan na inilagi nila sa ospital, aminado ang mang-aawit na nauubos na rin ang kaniyang pag-asa.
Hindi madaling magkasakit lalo na kung higit pa sa katawan ang nagdurusa. Kaakibat ng pagpapagamot ang malaking gastos para sa mga doktor at iba pang bayarin sa ospital—mga halagang hindi na kayang tustusan nina Eva.
Sa tulong ng Wish Ko Lang, naiparating kay Regine ang kondisyon ng kaibigan at walang pag-aatubili namang pumunta ito sa ospital.
Hindi mapigilang lumuha ni Eva nang masilayan niyang muli si “Ate Regine.”
“Iyong trabaho, madali na lang iyon,” payo ni Regine kay Eva. “Ang importante, magpagaling ka.”
Sa tagpong iyon ay hindi sila sina Minerva at Chona na mahigpit na naglalaban para sa iisang tropeo—sila lamang sina Eva at Regine, dalawang taong sa dinami-rami ng pinagdaanan ay magkaramay pa rin sa hirap at ginhawa.
Magkatuwang
Tila napuno na talaga ng mga pagsubok ang buhay ni Eva Castillo. Naglaho na ang maliit na babaeng kinatatakutan ni Regine dahil sa ‘di mapapantayang timbre ng boses, napalitan ng nanghihinang babaeng nakakabit sa mga tubo at halos mamilipit sa kirot.
Ngunit kahit na ganoon, nakangiti pa rin si Eva. Kitang-kita pa rin ang malalalim niyang biloy na lalo lamang pinaganda ang perpektong hilera ng kaniyang mga ipin.
Nagpapasalamat ang mang-aawit sa kaniyang mga kaibigan, mga kamag-anak, pamilya at asawa na sumusuporta sa kaniya maging sa panahong walang-wala siya. Sila raw ang inspirasyon niya kaya’t patuloy niyang lalabanan ang sakit.
Oo, hindi naging madali ang buhay para kay Eva; bakas ito sa kaniyang mga kamay at sa kaniyang mukha. Pero habang tinitignan ni Eva ang kaniyang pamilya, ang mga taong hindi umalis sa kaniyang tabi, ang asawang buong-buo ang pagmamahal sa kaniya, ano nga ba ang hindi niya makakaya?
Matapos ang halos 30 taon mula nang awitin niya ang kaniyang paboritong contest piece, isang tingin lamang sa lahat ng mga nagmamahal sa kaniya, ay isa pa rin ang awit na binibirit ng puso ni Eva:
“Ako ang nagwagi!”