Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

‘Ang tunay na nagmamahal, nasasaktan pero lumalaban’ at iba pang love quotes from #UHSuGaTan


Ano nga ba ang dapat gawin kung may iba ng mahal ang taong mahal mo? Isusuko mo na lang ba ang nararamdaman mo sa kaniya, o ipaglalaban mo?
 

Ang totoong pagmamahal daw ay tungkol sa paninindigan. Hindi raw basta-basta binabalewala ang pag-ibig, ayon kay Susan Enriquez.

 

“Ipaglaban mo!” aniya. “Patunayan mong ikaw ang karapat-dapat niyang mahalin.”

 

Pero, dagdag ni Susan, “Kapag nagmahal ka, dapat ay handa ka ring masaktan.”


 

Kabaliktaran naman ang payo ni Arnold “Igan” Clavio. Para sa kaniya, kung sa tingin mo ay wala nang patutunguhan ang laban, mabuti pang sumuko ka na. 

 

“Hindi ka dapat ma-stuck sa EDSA! Sobrang traffic diyan,” sabi niya. “Ibig sabihin, walang patutunguhan.”

 

Pero hindi naman daw por que sumuko ka ay hindi ka na magmamahal muli. Puwede raw kasi na baka may iba diyan na nagmamahal sa’yo pero hindi mo lang pinapansin.

 

“Ang pag-ibig, parang elevator ‘yan. Sa una, sinisiksik mo pa ang sarili mo. Pero may hagdanan naman eh!” sabi ni Igan. “Bakit hindi mo gamitin ‘yung hagdanan? Umakyat ka pa rin!”


Ang resident meteorologist ng GMA News na si Nathaniel “Mang Tani” Cruz, sumang-ayon naman kay Susan. Ikinumpara ni Mang Tani ang totoong pag-ibig sa supertyphoon at tropical depression. Puwede ka raw saktan at pahirapan, pero hindi ka puwedeng basta-basta  magpa-apekto na lang. Dapat daw magpapatatag ka! 

 

Sabi ni Mang Tani, “Ano man ang signal na dumating sa pag-iibigan ninyo, kahit ilang hagupit pa ng Habagat ang iyong maramdaman, hangga’t hindi nagbabago ‘yung pag-ibig mo sa kaniya, sa tamang panahon at sandali, alam [mong kayo] pa rin muli.”

 

“Oh, tukso! Layuan mo ako!”

 

Minsan ka na bang natukso na tumingin sa iba habang committed ka na?

 

Wala naman daw masama rito. ‘Ika nga, “Puwede kang tumingin, ‘wag ka lang tumitig.”

 

‘Yan ang payo na binigay ni Susan sa mga taong natutukso. “Kumbaga sa carinderia, titignan mo ‘yung mga paninda, ‘yung mga ulam,” sabi niya. “Pero [sa huli], isa lang ‘yung pipiliin mong paboritong ulam.”

 

Sang-ayon naman dito si Igan. Ipinaliwanag naman niya na ang kalapati raw, kapag nakalaya, babalik at babalik pa rin sa asawa niya. Ang penguin naman ay isa lang ang nagiging asawa sa buong buhay nito. Kaya naman kung nagagawa ng mga hayop na maging tapat, sigurado raw na kaya rin ng mga tao na manindigan at maging tapat sa pag-ibig nila.

 

Para naman kay Mang Tani, kung talagang mahal mo ang isang tao, walang ano mang uri ng tukso ang makakasira sa relasyon ninyo. 

 

“Ano mang relasyon, basta’t pinagtibay hindi lang ng inyong pag-iibigan kundi lalo na ng tiwala at respeto sa isa’t isa, hindi matitibag ‘yan ng kahit anong problema,” sabi ni Mang Tani. 

 

Dagdag pa niya, “Kahit na supertyphoon pa ‘yan, kahit na daluyong pa ‘yan, hindi mabubuwag [ang pag-iibigan ninyo] kung haharapin ninyo ito nang kapit-kamay at magkasama.”

 

Worth-it nga ba ang paghihintay?

 

Sabi nga ng karamihan, hindi mo naman daw dapat minamadali ang paghahanap ng true love. Dahil ang totoong pag-ibig ay dumarating daw sa tamang panahon.

 

Pero kailan nga ba ang tamang panahon?

 

Wala raw eksaktong tamang panahon, ayon kay Mang Tani, dahil walang sinuman daw ang makapagsasabi kung kailan mo mararamdamang umiibig ka na. 

 

“Kapag ‘yan ay naramdaman mo na, makakaranas ka ng pagbaha ng kaligayahan, na para bang hahagupitin ka,” sabi niya. 

 

Kaya naman inihalintulad niya ang pag-ibig sa ulan. “Puwede mong iwasan,” sabi niya. “Pero hindi mo puwedeng pigilan.”

 

Sagot naman dito ni Susan, ang importante raw sa lahat ay higit na mas magkakilala pa muna ang dalawang tao nang mabuti dahil ang isang relasyon na minadali ay wala raw kahahantungang mabuti. 

 

“Ang tamang panahon” sabi ni Susan, “ay ang panahong kilalang-kilala ninyo na ang isa’t isa.” Dapat din daw ay wala nang duda ang dalawang tao sa mga damdamin nila sa isa’t isa.

 

Pero hindi dapat pinaghihintay ang pag-ibig, sabi naman ni Igan. Para kasi sa kaniya, walang mangyayari sa buhay mo kung maghihintay ka lang ng lalapit sa’yo.

 

“Ang pag-ibig, hindi ‘yan pinaghihintay! Ipaglaban mo!” payo ni Igan. “Baka mapunta pa ‘yan sa iba. Doon ka magiging luhaan.”

 

Kaya naman may payo siya kay Alden Richards, ang leading man na kasalukuyang kinukuha pa rin ang loob ng lola ni Yaya Dub sa sikat na kalye-serye sa Eat Bulaga.

 

“Gawin mo ang lahat para kayo ay magkita na ni Yaya Dub,” sabi ni Igan. “Ang tamang panahon, wala kay Lola Nidora ‘yan. Nasa sa’yo ‘yan.”—BMS, GMA Public Affairs

 

Kung may tanong ka rin tungkol sa pag-ibig, pamilya, trabaho, o iba pang mga bagay, puwede kang magtanong kina Susan, Igan, at Mang Tani! Ihanda lang ang video recorder at kuhanan ang sarili habang nagtatanong sa SuGaTan trio. Puwede kaming i-message sa Facebook, o i-upload ang video sa social media gamit ang hashtag na #UHSuGaTan.