Iba’t Ibang Bersyon ng Pinoy Halo-Halo
Parte na ng kultura ng mga Pinoy na pawiin ang init tuwing summer sa pamamagitan ng halo-halo.
May pagkakapareho ang panghimagas na ito sa iba't ibang pampalamig sa Asia, tulad ng kakigori ng Japan, patbingsu ng Korea, at baobing ng Taiwan, na pawang gawa sa ginadgad na yelo. Ngunit nananatiling katangi-tangi ang halo-halo dahil sa mga sahog nito na talaga namang uniquely Pinoy.
Ipinakita sa Unang Hirit ang iba’t ibang klase ng halo-halo na inihahanda sa Pilipinas.
Classic Halo-Halo
Walang iisang paraan ng paggawa ng halo-halo, ngunit may mga sangkap ito na mas madalas na ginagamit kaysa sa iba. Maliban sa ginadgad na yelo at gatas, karaniwan ding nilalagyan ng leche flan, macapuno, saba, gulaman, red mung beans, ube halaya, langka, kaong at pinipig ang malamig na panghimagas na ito. Mas nagiging espesyal pa ang ganitong klaseng halo-halo kung dadagdagan ito ng ice cream.
Caramel Flan con Yelo at Strawberry Mango con Yelo
Binigyan ng panibagong twist ng mga halo-halo na ito ang ordinaryong halo-halo sa pamamagitan ng pagdaragdag ng caramel o strawberry syrup sa mga sangkap tulad ng macapuno, manga, strawberry at leche flan.
Pampanga's Halo Halo
Tatlo lang ang pangunahing sangkap na ginagamit sa halo-halong ito na kilalang nagmula sa isang kainan sa Pampanga. Macapuno, minatamis na saging, at leche flan lang ang sahog nito, ngunit ang tunay na nagpapasarap daw rito ay ang gatas na nakahalo sa ginadgad na yelong kanilang ginagamit.
Coco Halo-Halo
Maaari ring bigyan ng kakaibang lasa ang ordinaryong halo-halo sa pamamagitan ng coco nectar o katas ng niyog, at coco-flavored ice cream. Ang ganitong klaseng halo-halo ay pwedeng matikman sa isang kainan sa Quezon City.
Tila sinasalamin ng iba’t ibang paraan ng paghahanda ng halo-halo hindi lamang ang mayamang kultura ng Pilipinas kundi pati na rin ang pagkamalikhain ng mga Pilipino. Tunay ngang katangi-tangi ang Pinoy food na ito.
–Lara Gonzales, CM/PF, GMA News