Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Ang mga sandalan sa buhay ni Cherrie Madrigal
Sa murang edad na 16 anyos, sumabak sa mga mapangahas na papel ang sikat na 80s sexy star na si Cherrie Madrigal. Mula sa kinalakihang buhay sa loob ng kumbento, naging palaban siya at pinasok ang mapanuksong kinang ng pinilakang-tabing.
Ilang pagsubok sa buhay ang pinagdaanan ni Cherrie, pero sa kabila nito, hindi siya natinag. Ikinuwento niya sa “Tunay na Buhay” ang mga taong naging sandalan niya sa pagharap sa mga hamon niya sa buhay.
Sa panayam ng "Tunay Na Buhay" inihayag ni Cherrie ang kanyang kasiyahan sa piling ng kanyang asawa at mga anak na naging mga sandalan niya sa kanyang muling pagbangon.
Ngunit nagkaroon ng lamat ang kanilang relasyon nang pasukin ni Cherrie ang mundo ng pag-aartista. At nang mamatay si Lola Soledad, labis na panghihinayang ni Cherrie dahil hindi niya rin natupad ang mga pangarap niya para sa kanyang lola. “Gusto ko siyang mabigyan ng maayos na buhay,” sabi ni Cherrie. “Simple lang naman ‘yung gusto ng lola ko eh – makabili kami ng sariling bahay, maayos ‘yung pag-aaral ko, makapagtapos ako ng pag-aaral. Kaso hindi na niya dinatnan ‘yun eh.”
Naging mainit ang pangalan ni Cherrie Madrigal noong dekada 80 dahil sa mga pelikula niyang tulad ng “G.I. Baby” noong 1987. Sa kanyang kasikatan, nakagawa siya ng sunud-sunod na 13 sexy films. Ngunit kalakip ng kasikatang ito ang pagkakalulong niya sa alak, sigarilyo at droga.
“Nung time na ‘yun, wala nang nag-guide sa akin e,” pag-amin ni Cherrie. “So ang sinandalan ko, barkada ko. Natuto akong uminom, natuto akong manigarilyo, droga, shabu.” Ang inakala niyang magiging solusyon sa kanyang mga problema, nauwi sa pagkakalulong na naging sanhi ng unti-unting pagkaubos ng kanyang naipon na pera.
Pagbagsak at muling pagbangon ni G.I. Baby
Ang pagkakalulong sa mga bisyo ang naging sanhi ng tuluyang pagtatapos ng kanyang karera sa showbiz. Matapos maubos ang mga naipundar, naglako noon si Cherrie ng mga prutas para lang mabuhay. Kuwento niya, minsa’y nagmakaawa pa siya sa mga guwardiya para papasukin sa gate ng isang TV network at makapaglako ng paninda.
Ang asawang si Victor ang naging instrumento sa muling pagkilala ni Cherrie sa Panginoon.
Sa kanyang muling pagbangon, naging mahalagang sandalan ni Cherrie ang kanyang dating driver at ngayo’y asawa na si Victor. Naging mahirap mang makaahon muli, laking pasasalamat ni Cherrie sa kanyang asawa dahil ito ang nagbigay sa kanya ng pag-asa at bagong pananaw lalu na sa pagbabalik-loob niya sa Panginoon.
“Nagbago talaga siya. Ayaw na niyang balikan ‘yung nakaraan niya,” ani Victor. “Mahal nga rin siya siguro ng Diyos, [kahit] nalihis ‘yung buhay niya. So siguro ngayon, ako ‘yung ginamit na kasangkapan para maibalik siya sa pagkarelihiyosa.”
Ngayon nga’y masasabi ni Cherrie na hindi na pagpapaseksi ang papel na kanyang ginagampanan, kundi ang pagiging mabuting maybahay at ina sa kaniyang mga anak. Sila ang kaniyang naging mga sandalan tungo sa pagbabago.
Higit sa lahat, sa Panginoon kumukuha ng lakas si Cherrie upang magpatuloy sa mga hamon sa buhay. Kahit pa kamakailan ay nadiskubre niyang may cancer siya, pinipilit ni Cherrie na maging matatag.
“Natatakot ako e, hindi ako natatakot mamatay,” aniya. “Pero ayokong iwan ang mga anak ko na hindi maayos ang buhay nila. Ang gusto ko bago man lang ako mamatay, makita ko ang mga anak ko na maayos ang buhay nila.”
Sa kabila ng lahat ng pagsubok, patuloy na lumalaban si Cherrie. Hindi man niya naabot ang rurok ng tagumpay bilang artista, alam niyang mayroon siyang masasandalan, at ang palaging pagpapasalamat sa Panginoon ang siyang naging aral niya sa pagharap sa kanyang laban sa buhay. — Elsed Togonon/CM, GMA News
More Videos
Most Popular