Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
LA Lopez: Child star noon, pastor na ngayon
Commercial endorsements, pelikula, recoding album, at TV shows – nasa kamay ng former child star na si LA Lopez ang lahat ng ito sa rurok ng kanyang kasikatan.
Unang lumabas si LA sa contest na “That’s My Boy” sa noontime show na “Eat Bulaga.” Kahit hindi siya nanalo rito, naging daan naman ang programa para mapansin siya ng tinaguriang Comedy King na si Dolphy. Agad siyang binigyan ni Dolphy ng role sa pelikulang “John and Marsha Ngayong ’91.”
Magmula noon, naging laman na si LA ng telebisyon at entablado.
Sunud-sunod ang paglabas niya sa TV. Ilang programa rin ang pinagbidahan niya, at dahil sa “wholesome” niyang imahe, naging endorser pa siya ng Department of Health sa isa nitong commercial.
Pero sa kabila ng tinatamasang tagumpay, bigla niyang iniwan noon ang mundo ng showbiz. Kasabay ng mga palakpak at pagtingala sa kanya ng mga tagahanga, naging malupit naman ang kabi-kabilang pagpuna sa kanyang pagkatao. Sa isang pambihirang pagkakataon, nakausap ni Rhea Santos sa programang “Tunay na Buhay” si LA, na lakas-loob na sinagot ang mga isyung ibinato sa kanya noong kasikatan niya bilang child star. Sa edad na 26 years old, isa nang ganap na pastor si LA.
Habang lumalaki at nagbibinata si LA sa harap ng kanyang mga tagahanga, naging tampulan siya ng tukso at tsismis. Sa mura niyang edad, kinuwestiyon ang kanyang kasarian at pinaghinalaan siyang bading.
Tinanggap ni LA bilang bahagi ng kanyang trabaho ang mga intriga, pero naubos daw ang kanyang pasensya nang gayahin daw siya ng isang komedyante sa isang spoof ng taong may mental disability.
“During that time, it was really painful. I would come to my school and tinginan lahat nung mga bata sa akin, ‘LA retarded ka pala, liit kasi ng boses mo,’ yung mga ganun,” aniya.
Dito nagdesisyon ang ina ni LA na si Ylona Lopez na magsampa ng demanda.
“When he was called retarded, hindi ko tinignan na gusto naming lumaban. Ang gusto lang namin isang sorry sa isang 16 years old na bata,” paliwanag ni Ylona, na dati ring recording artist. “Kasi ‘pag pasok niya sa eskwelahan, hindi na siya tinantanan ng tao. Kahit sa mall, pinagtatawanan… nagbibinata ka na, poporma-porma ka na sana sa babae tapos biglang ganun ang tawag sayo.”
Inamin ni LA na lubos siyang nasaktan at na-depress sa mga panunuksong nagmula raw sa nasabing spoof.
Nang hindi raw nagbigay ng public apology ang nasabing komedyante, nagpasya si Ylona na huwag ituloy ang kaso, at iniwan na lang ni LA ang showbiz.
“Ano ba naman ang kinikita namin no’n, magbabayad pa ako sa abogado,” sabi ni Ylona. “I had to sit down and talk with LA as young as he is. Sabi ko, anak, let go na natin ito, gusto mo tumigil na tayo, ‘wag ka nang lumabas. I-save na lang natin itong pera na natitira mag college ka.”
Sa Amerika ipinagpatuloy ni LA ang kanyang pag-aaral. Naging bahagi sila ng isang Christian church, at nang magtapos ng kolehiyo si LA, ipinadala siyang muli ng naturang simbahan sa Pilipinas para maging pastor.
“I believe that my purpose is to share the ministry of reconciliation, and not just to share it and to help them direct them in whatever way I can,” sabi ni LA.
Sa kabila ng masasakit na karanasan niya sa showbiz noon, wala na raw pait o sama ng loob sa puso ni LA, o kilala na ngayon sa tawag na Pastor Lyle.
“I thank and pray God, wala na,” sabi niya.
Ito nga raw ang naging daan para maging instrumento siya ng Diyos. Malaki raw ang pagpapasalamat niya dahil hindi raw siya iniwan ng kanyang pamilya.
“Buong buhay ko, akala ko mag-isa ako,” sabi niya. “Hindi eh, napakabuti ng Diyos. He gave me a purpose and existence. I’m just grateful and thankful that he chose someone as I am, a sinner, to minister to His people and become his mouthpiece to share His goodness to all.”
Masuwerte rin daw siya dahil tinawag siya ng Diyos para maging pastor sa edad na 26 years old.
“I am technically a young pastor. Usually, pastors are 30 years old, pero I was called for this,” sabi ni LA. “I know God has a purpose as to why I became a young pastor.”
Bata pa ring maituturing si LA, at marahil hindi pa ito ang huling papel na kanyang gagampanan. Daig pa nga niya ang iba, kung karanasan sa buhay ang pag-uusapan. Mula sa pagsikat at pagharap sa mga problema, hanggang sa panibago niyang misyon bilang pastor, patuloy niyang ginugulat at pinahahanga ang mga dating tumutuligsa sa kanya.
“Huwag nating hintayin na basagin tayo ng Diyos at hintayin natin na magkaroon pa tayo ng problema para malaman natin na meron tayong kailangang ayusin sa ating sarili,” sabi niya. “Huwag natin isipin na tayo talaga ay magaling o marunong, may sariling kakayahan. Because all that we know is because of God.” – Arla Fabella/CM, GMA News
Tags: webexclusive, lalopez
More Videos
Most Popular