Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Odette Khan at Vangie Labalan, magtuturo ng kontrabida tips sa 'Tonight with Arnold Clavio'


 


Kinatatakutan, kinaiinisan ngunit talaga namang nagbibigay-kulay sa mga dramang napapanood natin sa pelikula't telebisyon – sila ang mga kontrabida!  At ngayong Miyerkules, ang mga beteranang kontrabidang sina Ms. Odette Khan at Vangie Labalan ang makakakwentuhan ni Igan Arnold Clavio!

Hindi lang nakatrabaho ng dalawang ito ang mga pinakamaniningning na bituin sa Philippine showbiz kundi nasampal, nasabunutan o kaya’y nasigawan pa nila ang ito sa matitinding eksena! Pero paano nga ba maging epektibong kontrabida? Pwes, ituturo nila ang iba’t ibang galaw-kontrabida, mula sa pagkilos ng mga mata, paghalakhak at pagsampal! At ang kanilang magiging estudyante sa simpleng ‘kontrabida 101” na ito ay walang iba kundi ang komedyanteng si Dyosa Pockoh.

Mas kilalanin niyo rin sina Odette at Vangie sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang trivia! Hulaan niyo kung sino sa kanila ang minsan nakalaban ni dating senadora Miriam Defensor-Santiago sa isang oratorical contest. At sino naman kaya ang naging acting coach ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid noong ito’y bago pa lang sa pag-arte sa pelikula? Alamin sa Miyerkules!

Hindi rin nakaligtas ang dalawang beteranang kontrabida sa tatak TWAC game na Nasubukan N'yo Na Ba? (Kontrabida Edition).Sino kaya sa kanila ang nakaranas nang magalit nang totohanan ang ka-eksena? Sino naman ang kinatatakutan pa rin ng mga katrabaho kahit sa likod ng camera?

Isa na namang masaya at makabuluhang kwentuhan ang masasaksihan n'yo ngayong Miyerkules ng gabi sa TWAC! I-follow ang TWAC sa twitter: @twacofficial at gamitin ang hashtag na #KontrabidasOnTWAC. At para malaman ang mga pangyayari behind the scenes, i-like ang aming facebook: www.facebook.com/tonightwitharnoldclavio

Tags: arnoldclavio