‘Diskarteng Pinoy Abroad’ ngayong Linggo sa ‘Stories of Hope’
STORIES OF HOPE: “DISKARTENG PINOY ABROAD”
September 19, Linggo ng hapon, 4:35 PM sa GMA
SYNOPSIS:
Ilan lang sila sa mga kababayan natin na nakipagsapalaran sa ibang bansa para magtrabaho at magtayo ng negosyo. Pero nang tumama ang pandemiya sa buong mundo, naapektuhan ang kanilang kabuhayan. Hindi sila nawalan ng pag-asa at hindi sila sumuko, bagkus humanap sila ng paraan para bumangon at labanan ang epekto ng pandemiya.
RHEA TOPACIO AT DENNIS ROGACION, PINOY ENTREPRENEUR IN THE NETHERLANDS
Ipinakilala ng mag-asawang Rhea Topacio at Dennis Rogacion ang ginawa nilang Luneta Ice Cream sa The Netherlands noong 2015. Naging maganda ang takbo ng kanilang negosyo hanggang sa dumating ang pandemiya dulot ng Covid-19 noong nakaraang taon. Lahat ng negosyo sa The Netherlands napilitang magsara. Pero ang mag-asawa hindi sumuko. Naisip nilang gumawa ng kauna-unahang pinoy beer na ginawa sa The Netherlands! Bukod dito, isa pang produkto ang naisip nila…ang ubeness flavorings na may iba’t ibang pinoy flavorings para makagawa ng mga pagkaing pinoy! Ang kanilang mga produkto hindi lamang tinatangkilik ngayon sa The Netherlands kundi maging sa buong Europa.
CELVIN UNDAG, BAKER AND MASSAGE THERAPIST IN RIYADH, SAUDI ARABIA
Taong 2015 nang magsimulang magtrabaho si Celvin Undag bilang Visual Merchandiser sa Riyadh, Saudi Arabia. Pero makalipas lamang ang tatlong buwan lumipat siya ng trabaho bilang Massage Therapist. Nagsimula na rin siyang gumawa noon ng mga homemade cake, kakanin at magluto ng mga ulam na pagkaing pinoy bilang sideline. Noong nakaraang taon nagsara din ang mga negosyo sa Riyadh dahil sa Covid-19. Pero kahit nawalan ng trabaho madaling nakahanap ng paraan si Celvin nang muli niyang tutukan ang paggawa ng mga homemade cake at kakanin. Ito ang nagbigay ng pag-asa sa kanya sa kalagitnaan ng pandemiya. Isa sa mga plano ni Celvin ang magtayo ng sariling Filipino bakeshop sa Riyadh.
CHEF DENNIS LUNAR, SWITZERLAND
Sinimulan ni Dennis Lunar ang negosyong sushi restaurant noong 2014 sa Switzerland matapos magtrabaho ng anim na taon bilang chef sa isang restaurant chain doon. Nang tumama ang pandemiya nagsara ang kanyang negosyo kaya nakaisip siyang gumawa ng kauna-unahang Pinoy Hotdog na made in Switzerland at tinawag niyang Pinoy Pride Hotdog. Tinangkilik ng mga kababayan natin sa Switzerland ang kaniyang Pinoy Pride Hotdog sa gitna ng pandemiya. Sa kasalukuyan patuloy ang paglago ng negosyo niyang sushi restaurant, samantalang ang Pinoy Pride Hotdog nasa bawat sulok na ng Switzerland.
Alamin ang buong kuwento ng pagsubok at pag-asa sa Diskarteng Pinoy Abroad sa Stories of Hope, ngayong Linggo, 4:35 PM, September 19 sa GMA-7!