Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

‘Nang Dahil sa Pag-ibig’ ngayong Linggo sa ‘Stories of Hope’


 


STORIES OF HOPE: “NANG DAHIL SA PAG-IBIG”
August 15, Linggo ng hapon, 4:35 PM sa GMA

Ang pag-ibig, walang pinipili. May mga pagkakaiba man minsan ang dalawang taong nagmamahalan, napag-iisa pa rin sila ng tunay at wagas nilang pag-ibig.

 


Ang pag-ibig, hindi nasusukat. Sa taas niyang 7’4”, nahanap ni William Biscocho ang una at huling babaeng mamahalin niya habambuhay – siya si Flordelisa  na may taas na limang talampakan. Tunay ngang “height doesn't matter”.

 


 


Ang pag-ibig, walang pinipiling kasarian. Pinatunayan ito ng mag-asawang Lenard at Mary Grace Lapinid. Bakla si Lenard at tomboy naman si Mary Grace. Nang malaman daw ng ibang tao ang kanilang relasyon, pinagtawanan lamang sila at kinutya. Pero hindi ito naging dahilan para lumabo ang kanilang pagmamahalan. Sa halip, mas lalo pang tumibay hanggang magkaroon sila ng isang anak.

 


 


Ang pag-ibig, hindi tumitingin sa pisikal na anyo at kapansanan. Nagsimula sa social media ang pag-iibigan ng katutubong Aeta na si Mariano at ng city girl na si Cindy. Maraming tao ang nagsabing hindi sila bagay pero mas kilala raw ng dalawa ang isa’t isa kaya hindi sila nagpaapekto sa ng mga ganitong komento. Ang kanilang pagmamahalan, kitang-kita sa kanilang mga vlog.

 


 


Ipinanganak naman na walang mga binti si Rosie pero tinanggap siya nang buong-buo ni Mario Perez na walong taon na niyang kinakasama. Nang magkaroon ng libreng kasal sa kanilang barangay, pinatunayan ni Rosie na hindi hadlang ang kaniyang kapansanan para makapaglakad patungong altar.


Tunghayan ang mga kwentong magpapatunay sa kapangyarihan ng pag-ibig sa 'Nang Dahil sa Pag-ibig' sa 'Stories of Hope' ngayong Linggo, August 15, 4:35 pm sa GMA 7.