‘Albularyo.PH”, tatalakayin ngayong Linggo sa Reporter’s Notebook
2021 NEW YORK FESTIVALS BRONZE WORLD MEDALIST
9:15PM SA GTV
ALBULARYO.PH
Tatlong bata raw kasi ang sabay-sabay na sinapian. Ang hiningan ng tulong ng mga residente, mga kilalang albularyo online! Pero kung dati ay kailangan mo pa silang sadyain sa mga bahay nila, ngayon, ang serbisyo ng mga albularyo, isang search na lang online.
Si Ilon Superal Jr. o mas kilala sa social media na Lonbularyo, sa pamamagitan ng video call, nagsasagawa siya ng ritwal sa kanyang pasyente.
Habang kausap ng aming team si Ilon, isang text message ang natanggap niya mula sa kapwa niya albularyo. May mga batang sabay-sabay raw na sinapian sa Pasig. Agad itong pinuntahan ni Ilon. Pagdating sa lugar, agad sinimulan ni Ilon ang kanyang ritwal.
Bukod sa kanyang mga pasyente na kausap niya online, may ilang dinarayo si Ilon para magpagamot. Pero ang pinaka-ugat ng paglapit ng ilan sa mga albularyo, kawalan ng sapat na perang pampagamot o di kaya naman ay malayo o walang mga pasilidad tulad ng ospital o health centers sa ilang lugar.
ONLINE SELLING LIVE
Paano kung sa kalagitnaan ng pagla-live selling mo ng iyong paninda, biglang eeksena ang isang masamang loob at pagbabantaan ang iyong buhay? Ganito ang nakagugulat na karanasan ni Bebiana Manio, isang online seller ng halaman. Nitong January 13, habang abala siya sa live selling ng mga halaman, isang lalaking naka-helmet ang lumapit sa kanya. Tinutukan na pala siya ng baril at sabay kinuha ang kanyang gamit na cellphone. Nang makita raw ito ng mga suki ni Bebiana na nakatutok sa kanyang live selling, agad silang tumawag ng pulis.
Sa isang follow-up operation nahuli na raw ang suspek na nangholdap kay Bebiana. Nakatatakot man ang naranasan, hindi raw titigil si Bebiana sa pagbebenta online. Ang kinikita niyang 700-1,000 pesos kada araw, malaking tulong daw sa kanilang pamilya.
Sino naman ang mag-aakalang ang puhunang 7,000 pesos sa pagbebenta ng pre loved at bagong damit, kumikita na ngayon ng 80,000-100,000 pesos kada araw?
Sa gitna ng sala ni Mercy delos Reyes, mahigit isang daang package na may lamang mga damit ang nakalagay sa iba’t ibang basket. Ito ang mga tinda niya sa kanyang pag-oonline selling na nagsimula noong 2019.
Katulong ni Mercy sa negosyo ang anak at mga pamangkin. Dahil sa pagbebenta online, nakapundar na sina Mercy ng mga bagong gamit sa bahay, napag-aral ang mga anak at nakaipon na rin.
Noong March 2021, mahigit pitong libo ang nag-register sa online business ayon sa Department of Trade and Industry. Malaki ang itinaas ng bilang na yan kumpara sa mahigit isang libo lamang noong March 2020. Kamakailan, naging isyu ang pagpapataw ng buwis sa mga online seller. Ano kaya ang reaksyon dito nina Bebiana at Mercy?
Abangan ang mga kwentong ito sa Reporter’s Notebook sa bago nitong araw Linggo, January 30, 2022 9:15pm sa GTV.