Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Tatlong pamilyang itinampok ng Reporter’s Notebook, muling kinamusta ngayong Pasko!


 

REGALONG PAG-ASA
DECEMBER 16, 2021 / 10:30AM SA GTV

Ang mga kumukuti-kutitap na ilaw, mga dekorasyon sa bawat tahanan at masasarap na pagkain sa hapag, palatandaan na malapit na ang Pasko. Ito rin ang panahon na lahat tayo may kanya-kanyang wish. Tulad na lang ng mga nakilala namin na ang tanging hiling, bumuti ang kanilang kondisyon at gumaling sa kanilang karamdaman. Sa tulong ng may mabubuting loob, nabigyan sila ng pag-asa.

 

 


2019 noong una naming nakilala si Miguel, dalawampu’t isang taong gulang mula sa Ormoc City, Leyte. Puno ng sugat ang katawan niya at halos buto’t balat na.  Dahil kulang sa pera ang pamilya, hindi mapatingnan sa espesyalista si Miguel noon. Hindi rin matukoy kung ano ang kanyang sakit. Kaya sa loob ng ilang taon, ang isang maliit na silong sa sulok ng kanilang bahay ang kanyang naging mundo.

 


Inilapit namin ang kaso ni Miguel sa isang dermatologist. Nagpadala kami ng mga skin sample sa Maynila at matapos ang ilang linggong pagsusuri, natukoy ang sakit ni Miguel.

 


Nitong August 2021, isang magandang balita ang natanggap namin mula sa kanyang magulang. Unti-unti nang naghihilom ang mga sugat ni Miguel. Sa tulong ng ilang donors, nabigyan siya ng mga ointment at gamot na nakatutulong sa patuloy niyang pagpapagaling. Maging ang kwarto ni Miguel, naipaayos na rin.

 


 


Sa tapat ng isang ilog sa Pulilan Bulacan, nakatira si Gabriel Sombillo kasama ang kanyang mga magulang at apat na kapatid na nakilala namin nitong  Nobyembre. Imbis na paglalaro pag-aaral, pagbubuhat ng mga tumpok ng kangkong mula sa ilog paakyat ng highway ang pinagkakaabalahan ni Gabriel. dahil sa nangyaring lockdown, nahinto siya sa pag-aaral. Wala na rin daw kasing pantustos ang kanyang mga magulang para sa pag-aaral.

 

 


 


Pero sa tulong ng isang guro, nakabalik sa pag-aaral si Gabriel. Grade 2 na siya ngayon. Modular ang mode of learning na ginagamit sa paaralang pinapasukan niya. Isang buwan matapos maipalabas ang kwento nila, binalikan namin ang pamilya. Tuwing weekend na lang naghahakot ng kangkong si Gabriel. Tinututukan ngayon ang kanyang pag-aaral. Pero mas may magandang balita ang ama ni Gabriel na si Mang Gerry, malapit na raw silang makalipat sa isang bahay.

 


 


Sa San Jose del Monte, Bulacan, nakilala naman namin ang mag-amang Rolando at Jewelyn Niangar. May developmental disability si Jewelyn. Anim na buwang gulang pa lang siya nang ma-diagnose na may cerebral palsy at meningitis. 18 years old na siya pero parang pitong taong gulang ang katawan niya. Bukod sa hindi nakalalakad, hindi rin siya nakapagsasalita.

 


 


Nitong nakaraang linggo, binisita namin ang mag-ama sa kanilang bahay. Sabi ni Mang Rolando, pagtapos maipalabas sa programa namin ang kwento ni Jewelyn, marami ang nagpaabot ng tulong sa kanila. Nakaipon sila ng pambili ng gatas at mga gamot ni Jewelyn.

 

Ang ibang natanggap na tulong pinansyal, ginamit nina Mang Rolando para makapagbukas ng tindahan ng burger at mga meryenda.

 


 


Nakilala rin namin ang siyam na taong gulang at bunsong anak ni Mang Rolando na si Angel. Sa tuwing naghahanapbuhay ang ama, siya ang nagbabantay at nag-aalaga kay Jewelyn. Kahit bata pa, naiintindihan ni Angel ang pinagdaraanan ng kanyang ate. Hiling niya, gumaling at muling makapaglaro si Jewelyn.

Abangan ang buong kuwento ng “REGALONG PAG-ASA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, December 16, 2021 10:30am sa GTV bago mag Balitanghali.