Paano matutulungan ang mga alagang hayop na naiwang pagala-gala ngayong pandemya?
GALA
DECEMBER 9, 2021 / 10:30AM SA GTV
Likas sa mga aso at pusa ang pagiging malambing. May mga pagkakataong nagbibigay din sila ng aliw. Ngayong may pandemya, mas lalo raw nakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng alaga. Pero paano ang mga hayop na naiwang pagala-gala?
Sakay ng kaniyang motorsiklo na kinabitan ng isang maliit na kulungan sa likuran, lumilibot si Rolly para mag-rescue ng mga asong hindi na kayang alagaan ng kanilang amo o di kaya naman ay mga hayop na naging biktima ng pang-aabuso sa Bulacan.
Ang ginagawang pagtulong ni Rolly sa mga aso at pusa, may mas malalim pa lang dahilan. Isa siya sa mga nawalan ng trabaho ngayong may pandemic. Sa gitna ng kanyang lungkot, nakahanap si Rolly ng kalinga mula sa kanyang alaga. Pitong aso ang nasa bahay ngayon ni Rolly. Bawat isa sa kanila, may kanya-kanyang kwento kung paano nakarating sa kanya.
Ang alaga niyang si Babae o Babs, inabuso at binanlian daw ng kumukulong tubig ng dating amo.
Ang isa sa mga alaga niya na si Brix, nasagip naman niya mula sa katayan.
Sa lansangan naman ng Maynila, isang aso ang pagala-gala sa bangketa. Pagpasok sa maliit na kalsada, diretso siya sa kanyang among si Edwin Pascual. Dalawang taon na pala silang nakatira sa gilid ng isang simbahan.
Tubong Tacloban City, Leyte si Edwin. Isa siyang survivor ng bagyong Yolanda noong November 2013. Bago pumutok ang pandemya, nakipagsapalaran siya rito sa Maynila para sa mas magandang trabaho pero nawalan siya ng trabaho.
Nang matanggal bilang pintor sa isang construction site, nawalan din siya ng pambayad sa renta. Kaya nauwi si Edwin sa lansangan. Para kay Edwin na nag-iisa sa buhay at walang maayos na tirahan, sinalba siya ni Whitey mula sa kalungkutan.
2018 naman nang buuin ni Malou Perez ang Pawssion project sa Bacolod. Isa itong NGO na ang misyon ay mag-rescue ng stray, abandoned at neglected animals at maghanap ng bagong tahanan para sa kanila.
Noong 2019, biglaan ang pagtatayo ni Malou ng animal shelter sa Bulacan. Ito ay para ma-rescue ang mahigit isang daang aso mula sa isang dog pound na naka-schedule nang i-euthanize.
Abangan ang buong kuwento ng “GALA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, December 9, 2021 10:30am sa GTV bago mag Balitanghali.