Bilyong pisong pondong inilaan para sa COVID-19 pandemic response, saan nga ba napunta?
PERA NG BAYAN
OCTOBER 21, 2021
Sa bungad ng patahian nina Mia Magno, nakasabit ang nasa apatnapung piraso ng unipormeng ipinagawa sa kanila bago ang pandemya pero hindi na kinuha ng nagpagawa. March 2020, unti-unting binawasan nina Mia ang mga tauhan nila at dahil wala nang umo-order, April 2020, tuluyan nilang isinara ang patahian. Nasa dalawampu’t limang empleyado nina Mia ang naapektuhan ng pagtigil ng operasyon nila.
Sa parehong buwan noong 2020, isang klase ng uniform naman ang kinailangan dahil sa COVID-19 – ang personal protective equipment o PPE. Kaya naisip ni Mia na ang mga garment manufacturer tulad nila, pwedeng sumabay at makagawa ng mga PPE. Ito sana ang naisip niyang paraan para magpatuloy ang kanilang operasyon. Pero ang nangyari, napilitan din siyang isara ang patahian na itinayo pa ng kaniyang mga magulang noong 1969.
Labing anim na buwan ang lumipas, isang isyu ang mainit na pinag-usapan at naging laman ng mga balita. Sa kasagsagan ng pandemic, mataas ang naging demand sa mga PPE, malaking pondo rin ang inilaan ng gobyerno para makabili at matustusan ang kinakailangang medical supplies.
Sa report ng Commission on Audit, mahigit 42 billion pesos ang inilipat na pondo mula sa DOH sa PS-DBM o Procurement Service ng Department of Budget and Management. Sa proseso kasi ng gobyerno, pinapayagan na mag-transfer ng pondo ang isang ahensiya ng gobyerno sa PS-DBM, para PS-DBM ang bibili ng mga kinakailangang supply tulad ng mga alcohol, cadaver bags, mga face mask at face shield.
Lumabas na isang kumpanya ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng 42 billion pesos na pondo--ito ang Pharmally Pharmaceutical Corporation. Umabot sa 8.6 billion pesos ang halaga ng nakuhang kontrata ng Pharmally sa PS-DBM noong 2020. Pero kinuwestiyon sa senado ang financial capacity ng Pharmally na mayroon lang share capital na 625,000 pesos.
Lumabas din sa pagdinig sa senado na may mga PPE na natengga at hindi agad naipagbili o naipamahagi sa mga nangangailangan sa mga ito.
Ano nga ba ang nangyari sa bilyong pisong pondo na inilaan sa COVID-19 pandemic response?
Abangan ang buong kuwento ng “PERA NG BAYAN” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, October 21, 2021 11:30 PM sa GMA-7 pagkatapos ng Saksi.