Ilang COVID-19 survivors, baon ngayon sa utang dahil sa mataas na presyo ng pagpapagamot
REPORTER'S NOTEBOOK
BAON SA UTANG
JUNE 17, 2021
May ilan pasyente na umabot sa milyon-milyon ang bill sa ospital dahil sa COVID. Kaya nalampasan mo man ang sakit, hindi mo naman matatakasan ang gastos. September 2020 nang magpositibo sa sakit si Jeremias.
Labing walong araw siyang na-confine sa ospital at umabot sa 2.1 million pesos ang bill. Sa supplies pa lang gaya personal protective equipment na ginamit ng mga healthworker na tumulong sa pagpapagaling ni Jeremias, umabot na sa 317, 327 pesos.
Kung dati, libangan lang ni Eric ang pagpipinta. Ngayon, ibinebenta na niya ang mga painting para makatulong sa tiyahin niyang si nanay Perla. Pati mga sapatos at laruan niya, for sale na rin.
Umabot ng 300,000 pesos ang total hospital bill, hindi pa kasali riyan ang oxygen at makinang kinailangan para makahinga si nanay Perla. Kaya sa kabuuan, higit kalahating milyon ang bayarin nila.
Sa isang lumang shoebox, itinatabi ni Eric ang mga naiipon niyang pera.
Si Cristina, doble pagsubok naman ang hinaharap ngayon. Pumanaw ang kanyang inang si Nanay Francisca dahil sa COVID. Ang masaklap, umabot sa 3.3 million pesos ang bill nila sa ospital.
Walang pinalalampas ang COVID-19 dahil maging sa mga kilalang personalidad, may tinamaan rin ng sakit. Naging kritikal sa isang pribadong ospital ang batikang aktor na si Dennis Padilla nitong March 2021.
Pumalo ng 1.2 million pesos ang kaniyang hospital bill. Malaking halaga ito para kay Dennis lalo na’t apektado ng pandemya ang entertainment industry.
Lahat sila sa mga pribadong ospital nagpunta. Alam nila na malaki ang gagastusin pero kinailangan nila itong gawin sa pag-asang mailigtas ang kani-kanilang mga kaanak.
Abangan ang buong kuwento ng “BAON SA UTANG” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, June 17, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.