Mga kaso ng police violence sa Pilipinas
REPORTER'S NOTEBOOK
LILIBETH, SONIA, FRANK, AT FABEL
JUNE 10, 2021
Pasado alas nuwebe ng gabi nitong May 31, 2021, nakunan ng video ang pagpatay sa 52 taong gulang na si Lilibeth Valdez sa Greater Fairview, Quezon City. Ang suspek sa pagpatay—ang kaniyang kapitbahay na si Police Master Sergeant Hensie Zinampan. Off duty si Zinampan nang mangyari ang krimen. Agad inaresto ng Fairview Police si Zinampan na nahaharap ngayon sa kasong murder. May administrative charges din siyang kakaharapin. Nagkaroon daw ng alitan si Zinampan at isang anak ni Aling Lilibeth bago mangyari ang pamamaril.
Ilang buwan lang ang nakararaan, December 20, 2020, nakunan din ng video ang pagpatay ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonia Gregorio, 52 taong gulang, at Frank Gregorio, 25 taong gulang, sa Paniqui, Tarlac. Off duty rin si Nuezca nang mangyari ang insidente. Ikinagalit daw ng pulis ang ginawang pagpapaputok ng boga nina Frank sa gitna ng kanilang kasiyahan. Nahaharap sa 2 counts of murder si Nuezca at tinanggal na sa serbisyo nitong January 2021.
Off duty rin ang dalawang pulis na sina Police Staff Sergeants Marawi Torda at Randy Ramos nang sitahin ang 14 taong gulang na si Fabel Pineda habang nasa isang kasiyahan sa Ilocos Sur. Lumabag daw sa curfew hours sina Fabel kaya sinabihan silang ihahatid ng dalawang pulis sa bahay. Pero sa halip na iuwi, ginahasa umano si Fabel at kaniyang pinsan nina Torda at Ramos. Ilang araw lang matapos ang panghahalay sa kanila, binaril at napatay si Fabel. Sinampahan rin ng kasong rape at murder ang dalawang pulis.
Lilibeth. Sonia. Frank. Fabel. Pangalan ng mga taong sinasabing namatay sa kamay--at bala--ng mga pulis. Ano na nga ba ang takbo ng bawat kaso?