Kuwento ng "Lalaki sa Dilim", tunghayan sa Reporter's Notebook!
REPORTER'S NOTEBOOK
LALAKI SA DILIM
APRIL 8, 2021
Sa kuwarto ng isang bahay sa Ormoc City, Leyte, isang lalaki ang dalawampu’t dalawang taon nang hindi nakalalabas, hubo’t hubad, at may mga sugat sa katawan. Ano ang kondisyon ng lalaki at bakit siya laging nakakubli sa dilim?
Pinayagan kami ng kaniyang mga magulang na mabisita ang lalaki na itatago namin sa pangalang Robert, 36 na taong gulang. Sabi ng kanyang inang si Aling Grecilda, 67 taong gulang, normal nang ipanganak niya si Robert.
Sa dingding nila, nakasasabit ang lumang certificate of recognition at ribbon na nakuha ni Robert noong nag-aaral pa siya. Pero nang tumuntong sa 2nd year high school, pinili ni Robert na tumigil sa pag-aaral. Doon na raw nila napansin ang pagbabago sa ikinikilos ng anak.
Taong 2000 nang unang mapatingnan si Robert sa isang psychiatrist sa Ormoc City. Sabi raw ng doktor, nagkaroon ang binata ng nervous breakdown kaya kakaiba ang ikinikilos nito. Niresetahan naman siya ng gamot. Pero dahil sa hirap ng buhay, hindi nila naipagpatuloy ang gamutan.
Mula noon, mas madalas na nagkukulong si Robert sa madilim na kuwarto. Sa isang buwan, dalawang beses lang napaliliguan nina Aling Grecilda ang anak. Ayaw na rin daw niyang magsuot ng damit at maggupit ng kuko kaya madali siyang masugatan sa katawan.
Dahil nag-iisang anak si Robert, sina Aling Grecilda at Mang Ismael ang nag-aalaga sa binata. Ang problema, na-diagnose na may katarata sa parehong mata si Aling Grecilda kaya liwanag na lang ang naaaninag niya. Sa kabila nito, pinipilit niyang alagaan ang anak.
Lalo pang humirap ang buhay nila dahil sa pandemya. Nakaka-sideline pa noon si Mang Ismael, 71 taong gulang bilang kargador sa palengke. Pero mula March 2020 sa pagsisimula ng quarantine, nahirapan na siyang makahanap ng trabaho.
Inilapit naming sa lokal na pamahalaan ang kaso ni Robert. Matapos ang halos dalawang dekada, muli siyang matitingnan ng doktor.
Abangan ang buong kuwento ng “LALAKI SA DILIM” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, April 8, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.