Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Kumusta na nga ba ang mga Pinoy isang taon mula nang magsimula ang pandemya?


 

REPORTER'S NOTEBOOK:
ISANG TAON NG PANDEMYA
MARCH 4, 2021

 

Halos isang taon na mula nang ideklarang pandemic ang coronavirus disease 2019 o COVID-19, ramdam pa rin ang epekto nito sa buhay ng karaniwang Pilipino. Isa sa malaking pagsubok na hinaharap ng marami--kawalan ng kabuhayan at trabaho. Pero sa kabila nito, patuloy silang nagsisikap para buhayin ang pamilya. Ngayong dumating na ang ilang bakuna, kailan naman kaya babalik sa normal ang ekonomiya ng bansa?

 

Dahil sa lockdown, naging limitado ang pampublikong mode of transportation. Kaya ang marami, bisikleta ang naging paraan para makapasok sa trabaho gaya ni Alex Balong, 49 years old at isang cook.

 

 

Binabaybay ni Alex ang kahabaan ng Commonwealth Avenue— isa sa pinaka delikado at accident-prone na highway sa Metro Manila.

 

Nang mag-lockdown noong March 2020, pansamantalang nagsara ang restaurant nina Alex. Kasama siya sa mga nawalan ng trabaho.

 

Pero nang magbukas ito noong May, kabilang din siya sa mga muling pinapasok. Ang problema niya ngayon nalubog sila sa utang dahil sa pandemic. Dagdag problema pa ang mataas na presyo ng bilihin.

 

Naglalakad-lakad naman sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang 35 years old na si Ronel Cimafranca sa pag-asang makahanap ng trabaho. Kabilang siya sa mga natanggal sa trabaho matapos magsara ang pinapasukang construction company.

 

 

Bitbit ni Ronel ang kanyang resume, nagbabakasakali siyang maka-ekstra sa madadaanang construction sites. Dahil walang trabaho, napaalis sila sa tinutuluyang apartment. Kaya ang kanyang asawa at dalawang anak, nakikituloy muna sa biyenan  ni Ronel.

 

Apat na taong nagtrabaho bilang flight attendant sa isang malaking airline company sa bansa si Leigh Nazaredo, 26 years old. Pero nito lang nakaraang buwan, kasama siya sa mga na-retrenched dahil sa pandemic. Breadwinner si Leigh ng pamilya niya kaya napakahalaga sa kaniya ang trabaho.

 

 

Natanggal man sa trabaho si Leigh, hindi pa rin sya tumigil sa paghanap ng paraan para makatulong sa pamilya. Nagtitinda sila ngayon ng mga street food sa kanilang lugar.

 

Sa datos ng Department of Labor and Employment o DOLE, 4.5 milyon na manggagawa ang nawalan ng trabaho noong 2020 dahil sa pandemya. Pero nagpatuloy ang displacement ngayong 2021. Sabi ng DOLE, umabot sa higit 25,000 ang nawalan ng trabaho ngayong January 2021. Nasa higit 108,000 naman ang nakaranas ng income loss o nabawasan ng kita ngayong January 2021.

Abangan ang kanilang kuwento sa “ISANG TAON NG PANDEMYA” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, March 4, 2021 11:30pm sa GMA 7 pagkatapos ng Saksi.