Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

Sa gitna ng pandemya, kumusta nga ba ang mga naghihikahos na may sakit?


 

 

PATIENT PH: IKALAWANG YUGTO
REPORTER’S NOTEBOOK SPECIAL REPORT
NOVEMBER 26, 2020

Noong unang linggo ng Nobyembre, nakilala ng Reporter’s Notebook sina Jhana, Lola Rosita at Robert. Lahat sila naghahanap ng lunas sa kanilang mga sakit. Pero dahil sa kahirapan at nangyayaring pandemya, hindi sila makapunta sa ospital.

Pero sa wakas, madadala sila sa pagamutan.  

 

 

 

Nagbabakbak, nangangapal at nagsusugat ang balat ng pitong taong gulang na si Jhana Dupitas. May kaparehas ding kondisyon ang kanyang inang si Annaliza. Isang taong gulang si Jhana nang napatingnan ni Annaliza sa doktor. Pinayuhan daw silang magpatingin sa espesyalista sa balat, pero dahil walang pantustos, hindi raw nila ito nagawa.
 

 

 


Nitong nakaraang linggo, sa kauna-unahang pagkakataon, natingnan na ng isang dermatologist ang mag-ina. Kinuhanan din sila ng skin sample para matuloy ang kanilang kondisyon.
 

 

 

Hirap din sa buhay ang animnapung taong gulang na si Lola Rosita Monteclar kaya hindi mapatingnan ang sugat sa kanyang mukha. 2017 nang matuklasan ang tumor sa kanyang mukha kaya kinailangan itong tanggalin kasama ang kanang mata niya. Ang problema, nagsusugat ang bahagi kung saan tinanggal ang mata niya. Inilapit namin sa lokal na pamahalaan ang kaso ni Lola Rosita.

 

Matapos ang tatlong taon, nakabalik siya sa Philippine General Hospital para muling masuri ng espesyalista ang kanyang kalagayan.

 

Tuluyan namang nabulag ang tatlong taong gulang na si Robert Simbulan dahil sa dalawang bukol na tumubo sa kanyang dalawang mata. Hirap na ring makakilos ang bata.  Dahil sa kawalan ng pera at layo ng lugar nila sa ospital, hindi agad napasuri ng kanyang mga magulang si Robert.

 

Nakipag-ugnayan kami sa lokal na pamahalaan para sa kaso ng bata. Nitong nakaraang linggo, nadala siya sa ospital. Dumaan din aa ilang pagsusuri si Robert.

 

Abangan ang pagpapatuloy ng kanilang kwento sa ikalawang bahagi ng “PATIENT PH” sa Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, November 26, 10:30 PM sa POWERBLOCK ng GMA News TV.