Gutom sa gitna ng pandemya, paano sinosolusyonan?
REPORTER'S NOTEBOOK
"GUTOM SA PANDEMYA"
OCTOBER 15, 2020
Pagkain—pangunahing pangangailangang mailap pa rin para sa marami, lalo na sa panahon ng pandemya.
Maaga pa lang, sabak na sa trabaho si Sheila Cesista, tatlumpung taong gulang. Sa isang junk shop sa Quezon City, trabaho niyang ihiwalay ang mga pwede pang i-recycle na basura gaya ng plastic, bote, at karton sa mga basurang itatapon sa landfill. Kababalik lang nila sa trabaho noong nakaraang buwan. Ipinagbawal kasi ang pagbagsak ng basura sa mga junk shop noong nasa ilalim ng enhanced community quarantine o ECQ ang Metro Manila.
Habang hinahawakan ang iba’t ibang piraso ng basura, walang kahit anong suot na guwantes si Sheila. Isang lumang cloth mask ang proteksyon niya. Ang ibang basurang pinagpipilian niya, galing daw sa ospital. Kabilang rito ang pinaggamitang face mask.
Pero bukod sa kalakal, pakay rin niyang makahanap ng itinapong pagkain. Noong araw na sundan namin si Sheila, isang tray ng lechon ang nakita niya. Matapos hugasan at iprito, ito na ang nagsilbi nilang hapunan. May nahanap din siyang kendi para sa kanyang mga anak.
Bitbit ang isang timba, sa bakawan naman ang punta ng mag-asawang Grace at Jerry. Nakadepende sa makukuhang mga suso ang tanghalian at hapunan nila sa araw na ito.
Pagkatapos makaipon ng mga suso, hinugasan nila ito para ibenta. Ang natira, pananghalian na nila. Construction worker si Jerry pero natigil siya sa trabaho.
Ilan lang ang pamilya nina Grace at Sheila sa mga nakaranas ng gutom sa loob ng tatlong buwang nagdaan, base sa survey ng Social Weather Stations o SWS nitong Setyembre.
Paano nga ba dumidiskarte ang mga Pinoy para mapakain ang pamilya ngayong may pandemya?
Abangan ang Reporter’s Notebook ngayong Huwebes, October 15, 10:30pm sa POWERBLOCK ng GMA News TV.