Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Reporter's Notebook

Mga pangako ni Pangulong Duterte sa kanyang mga nakaraang SONA, natupad na nga ba?


8-TIME NYF WORLD MEDALIST
2018 USIFVF SILVER SCREEN AWARDEE

ANG SONA AT ANG PINOY
July 25, 2019

Nasa kalahati na ng kaniyang termino si Pangulong Rodrigo Duterte. Makalipas ang tatlong taon at apat na State of the Nation Address o SONA, anong mga pangako na nga ba ang natupad? Alin naman ang mga inaasahan pa ring matatapos sa huling tatlong taon ng pangulo?



Isa sa mga nabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang ikaapat na SONA ang pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa bansa. Sa itinuturing na rice granary ng Pilipinas na Nueva Ecija, nakilala ng Reporter’s Notebook si Mang Catalino Pagatbatan. Halos limang dekada na siyang magsasaka ng palay.



Tatlumpu’t tatlong kaban ng palay ang inani ni Mang Catalino nitong Mayo. Pero pinili niyang hindi na ibenta ang mga naani dahil sa baba ng bentahan nito. Kung noong 2018, nasa 20 pesos per kilo ang bentahan ng palay, ngayong May 2019 ay nasa 12 pesos per kilo na lang daw ang bentahan. Kung susumahin, aabot lang sa 19,000 pesos ang kikitain niya, o halos kapantay lang ng puhunan niyang 18,000 pesos. Kaya ang inaning palay, itatabi na lang nila para may makain. Ang problema ngayon ay kung paano babayaran ang inutang nilang binhi at ibang ginastos para sa pagtatanim.



Sa Caloocan City, nakilala naman namin ang pamilya ni Emily Soriano. Nang araw na bisitahin namin siya, pinagkakasya niya ang sampung kilong bigas para sa kanyang labing limang kaanak sa loob ng tatlong araw.



Nagtatrabaho sa isang construction site ang asawa ni Aling Emily na si Mang Manolito. Isa siya sa mga nakinabang sa umuusbong na construction industry sa bansa.



Ipinagmalaki rin ng pangulo sa kanyang SONA ang mga nasimulan at nagawang imprastraktura sa ilalim ng BBB o Build Build Build program.



Sa kahabaan ng Fairview, Quezon City, kung saan dumadaan si Mang Manolito, kasalukuyang ginagawa ang MRT 7. Bahagi ang proyektong ito ng BBB program. Sa dokumento mula sa National Economic and Development Authority o NEDA, 75 ang flagship projects sa ilalim ng BBB tulad ng mga tulay, highway, airport, tren, at irrigation projects.



Sa mga nakalipas na SONA ng pangulo, hindi nawawala ang usapin tungkol sa kampanya kontra-droga. Sa datos ng PNP, higit 6,600 na ang namatay sa mga lehitimong police operation matapos umanong manlaban. Limampung pulis din ang namatay habang nasa operasyon.



Pero may iba pang datos ng mga napatay sa nakalipas na tatlong taon: ang mga napatay ng hindi pa rin nakikilalang salarin o unknown assailant. Kabilang rito ang mga napatay ng mga nakamotorsiklong gunmen, mga iniwang patay na may karatulang “wag tularan”, at mga pinapatay sa loob mismo ng kanilang bahay.



Ganito ang sinapit ng anak ni Aling Emily na si Angelito, labing limang taong gulang. December 28, 2016, habang nasa loob ng isang bahay sa Bagong Silang, Caloocan, pinagbabaril ng mga lalaking sakay ng motorsiklo sina Angelito. Limang tao ang namatay sa insidente. Wala sa drug watchlist si Angelito. Halos tatlong taon mula nang maganap ang pamamaril, wala pa ring linaw kung sino ang pumatay sa binatilyo.



Habang nagtatalumpati sa loob ng kamara si Pangulong Duterte, ang ilang raliyista, patuloy ang programa. Kasama sa mga dumalo sa rally si Aling Emily. Hangad niya, mahuli at mapanagot ang sinumang pumatay sa kanyang anak na si Angelito.

Abangan ang kabuuang ulat ngayong July 25, 2019 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.