Napabayaang Nueva Ecija Sports Complex, binisita sa 'Reporter's Notebook'
8-TIME NYF WORLD MEDALIST
2018 USIFVF SILVER SCREEN AWARDEE
PARA SA MEDALYA
June 13, 2019
Para makuha ang inaasam na medalya, ang isang atleta kailangang dumaan sa matinding disiplina at pagsasanay. Pero paano kung ang mga pasilidad para sa iba’t-ibang sports o palaro, iniwang nasisira at hindi napakikinabangan?
Siyam na taong gulang pa lang si Ivan nang mahilig siya sa paglangoy. Kaya laking tuwa niya nang mapabilang sa swimming team ng Fort Magsaysay National High School sa Palayan City, Nueva Ecija. Umabot na sa pitong gold medals ang nasungkit niya mula sa iba’t-ibang palaro sa Nueva Ecija.
Nang makapagtapos ng high school nitong nakaraang buwan, kinuha si Ivan bilang assistant coach ng swimming team. Pangarap niya para sa grupo, makapasok sila sa Palarong Pambansa. Pero hindi ito magiging madali. Para makapag-training, kailangan nilang magtabi ng 50 pesos kada araw para magamit ang pool ng kampo ng militar. 25 meters lang din ang pool na pinagsasanayan nila. 50 meters ang standard na sukat ng isang swimming pool sa mga kumpetisyon.
Kung tutuusin, dapat ay matagal nang nasolusyunan ang problema nina Ivan. dahil ilang kilometro lang mula sa ginagamit nilang swimming pool, matatagpuan ang pinakamalaking pampublikong pool sa probinsya: ang olympic size pool sa Nueva Ecija Sports Complex.
Pero nang una namin itong puntahan, puno ito ng lumot at maruming tubig.
May dalawa pa sanang swimming pool na pwede pang gamitin ng mga atleta pero ang isa ay walang lamang tubig at tinubuan na ng mga halaman sa paligid. Ang isa naman, hindi na natapos gawin.
Bukod sa mga swimming pool, mayroon ding track and field oval ang Nueva Ecija Sports Complex pero napuno na rin ito ng talahib sa paligid. Nasira na rin ang rubberized cover nito.
Ang coliseum na malapit sa swimming pool at oval, hindi pa rin tapos at ni minsan hindi pa raw nagamit. Pero sa ngayon, inaanay na ang flooring nito.
Sa tabi ng coliseum, makikita ang hindi tapos na mga gusali na dapat sana ay mga dormitoryo para sa mga estudyanteng atleta. Paano humantong sa ganitong sitwasyon ang mga pasilidad na ito?
Abangan ang kanilang kwento sa “PARA SA MEDALYA” ngayong June, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.