Mga bakas ng Marawi siege, babalikan sa 'Reporter's Notebook'
8-TIME NYF WORLD MEDALIST
2018 USIFVF SILVER SCREEN AWARDEE
MARAWI: BAKAS NG GIYERA
May 23, 2019
Eksaktong dalawang taon mula nang maganap ang Marawi siege noong May 23, 2017, babalikan ng Reporter's Notebook ang ground zero. Kukumustahin ang buhay ng mga sibilyang naipit sa bakbakan at mga residenteng hanggang ngayon ay wala pa ring maayos na tirahan.
Sa kasagsagan ng Marawi Siege, higit isang libo at pitong daang sibilyan ang naging bihag ng Maute-ISIS kabilang na ang batang si Amir, hindi niya tunay na pangalan. Nakunan ng video ang pagsagip sa kanila ng militar. Pauli-ulit na tinatawag noon ni Amir ang kanyang ama. Natunton namin si Amir. Nalaman namin na naging bihag pala ang buong pamilya nila kabilang na ang kanyang dalawang kapatid at mga magulang. Pero ang amang tinatawag noon ni Amir - nauna na palang namatay nang gawing "human shield" ng mga terorista. Dahil nasira ng bakbakan ang bahay nina Amir sa Marawi City, kabilang sila sa mga Internally Displaced Persons o IDP. Nakikitira ngayon sina Amir sa isang kaanak.
Bukod sa mga home based IDPs gaya nina Amir, may ilang nakatira pa rin sa mga tent city. Sa pagbisita namin sa tent city sa Marawi, nakilala ko si Aisha Calalagan. Gaya nina Amir, nawasak din ang bahay nila. Problema nila ngayon ang kawalan ng maayos na palikuran. Nagkakasakit na rin ang ibang anak ni Aisha sa tent. Matapos ang dalawang taon, wala pa rin daw katiyakan kung makalilipat sila sa permanent shelter o kung magagawa ulit ang nasira nilang bahay. Hindi pa rin kasi pinahihintulutang makapasok sa ground zero ang mga residente dahil na rin sa isyu ng seguridad.
Kumusta na ang ginagawang rehabilitasyon ng gobyerno sa Marawi City? Nakabangon na nga ba ang lungsod at ang mga taong minsan naging tahanan ito?
Abangan ang MARAWI: BAKAS NG GIYERA ngayong May 23, 2019, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter's Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.