Mga Pilipino, ramdam ba ang pag-unlad na inulat sa ikatlong SONA ng Pangulo?
SONA NG PANGULO
JULY 26, 2018
ULAT NINA MAKI PULIDO AT JUN VENERACION
Change is coming: ito ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong maluklok siya sa puwesto.
Kabilang sa mga Pilipinong bumoto at ngayo’y umaasa kay Pangulong Duterte si Mang Juanito. Nasundan ng Reporter’s Notebook ang kuwento ni Mang Juanito at ng anak niyang si Annabel mula noong una, ikalawa, at ikatlong SONA.
Sa buhay nila, ano nga ba ang nagbago?
Noong una naming makilala si Mang Juanito, naabutan namin siyang nanonood ng unang SONA ni Pangulong Duterte. Gaya ni Duterte, taga-Mindanao si Mang Juanito. Ibinoto nga raw niya ang pangulo.
Abala naman noon sa pagbabasa ang anak ni Mang Juanito na si Annabel. Dating magsasaka sa Bukidnon si Mang Juanito pero dahil sa hirap, nagdesisyon siyang lumuwas ng Maynila.
Pagmamaneho ng pedicab ang naging kabuhayan niya sa Tondo. Ang kinikita ni Mang Juanito, ipinantutustos din niya noon sa sakit ng asawang si Aling Julieta.
Binalikan namin sila nitong Lunes, araw mismo ng ikatlong SONA ng Pangulo. Namamasada pa rin ng pedicab si Mang Juanito. Matapos mamasada, mamamasukan naman siya bilang isang construction worker. Kumikita siya rito ng tatlong daang piso kada araw. Pero ang kinikita, kapos na kapos daw para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang pangarap na disenteng bahay ni Annabel noong 2016, nananatili pa ring pangarap hanggang ngayon.
Pero noong nakaraang taon, nalaman ng Reporter’s Notebook na bukod sa dinaranas na hirap, may mas matindi pa palang pinagdaanan ang pamilya nina Mang Juanito at Annabel. Ang panganay na anak ni Mang Juanito, nakulong dahil sa kasong paggamit ng ilegal ng droga. Samantalang ang kanyang asawang si Aling Julieta, napatay ng mga lalaking naka-bonnet noong June 2017. Base sa unang teorya ng mga pulis, isang drug asset daw sa lugar ang target ng mga salarin, pero si Aling Julieta ang napatay. Kukumustahin ng Reporter’s Notebook ang kaso ng pagpaslang sa ina ni Annabel.
Abangan ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan ngayong July 26, 2018, 11:35 PM sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.