Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Iba't ibang flood control projects sa Metro Manila, sisiyasatin ng 'Reporter's Notebook'


 


LUBOG
ULAT NINA MAKI PULIDO AT JUN VENERACION
JUNE 28, 2018




Nito lang nakaraang linggo, matapos ang mahigit kalahating oras na pag-ulan, nagmistulang ilog ang ilang lugar sa Metro Manila. Sa taas ng tubig baha, wala nang makadaang sasakyan sa ilalim ng Balintawak Underpass sa Quezon City. Sa barangay Botocan, Quezon City, bubong na lang ng isang kotse  ang makikita. Inanod naman ng malakas na tubig baha ang mga barikada ng MMDA. Sa mga nakalap namang CCTV footage ng Reporter’s Notebook, makikita ang mabilis na pagtaas ng tubig sa ilang kalsada sa loob lamang ng kalahating oras na pag-ulan.
 

Sa Metro Manila, ilang flood control project na ang ipinatupad gaya ng mga pumping station, floodway at flood interceptor project. Pero hindi naging epektibo ang marami sa mga proyektong ito. Binisita ng Reporter’s Notebook ang ilang hindi gumaganang flood control project sa Metro Manila.



Sa buong Central Luzon naman, ang lalawigan ng Pampanga ang itinuturing na catchment basin ng tubig baha. Catchment basin ang tawag sa pinakamababang bahagi ng isang lugar kung saan naiipon ang tubig ulan o di kaya naman ay tubig mula sa bundok. Kaya naman ilang flood control project na rin ang ipinatupad sa buong probinsya. Isa na rito ang rehabilitasyon ng Pampanga river basin kung saan nagtayo ng riverwall sa bayan ng San Simon. Sa karatula ng flood control project, nakasaad na ang contract cost ay nasa mahigit 140 million pesos. Kung susundin ang nakalagay na time table, dapat natapos na ang proyekto noong June 21, 2018. Ang problema, hindi pa man natatapos, gumuho na ang proyekto.



Abangan ang “Lubog” ngayong June 28, 2018, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist at 2018 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.