Batas ng karagatan, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'
BATAS NG KARAGATAN
BACK TO BACK SPECIAL REPORT
SIMULA JUNE 7, 2018
Dahil binubuo ang Pilipinas ng mahigit pitong libong isla, nakaangkla na sa karagatan ang buhay ng maraming Pilipino. Sa loob ng daan-daang taon, natuto na ang marami sa atin na sumabay sa alon para sa taglay nitong yaman. Pero sa mga nakalipas na taon, ang karagatan din ang nagmistulang “battle ground” para sa mga pinag-aagawang teritoryo. Sa isang natatanging paglalakbay, sasamahan ng Reporter’s Notebook ang ating mga kababayang nakikipagsapalaran sa batas ng karagatan.
Sakay ng malaking bangkang pangisda, sinabayan ng Reporter’s Notebook sa pagpalaot ang grupo nina Mang Delfin Egana papunta sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc. Kabisado na ni Mang Delfin ang ruta. Mahigit isang daang beses na kasi niyang napuntahan ang Scarborough Shoal na kung tawagin nila ay Kalboro. Katunayan, kinse anyos pa lang daw siya, isinasama na siya ng kanyang ama sa pangingisda roon.
Ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, pasok sa 200 nautical mile Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas ang Scarborough Shoal. May layo lang kasing 124 nautical miles mula sa Zambales ang Scarborough. Dahil rito, binibigyan ng UNCLOS ang Pilipinas ng sovereign rights o karapatan sa lahat ng yamang matatagpuan rito. May freedom of navigation man ang ibang bansa at maaaring dumaan sa bahaging ito ng dagat, Pilipinas ang may karapatan sa marine resources sa Scarborough.
Matapos ang labing-anim na oras na biyahe, narating ng Reporter’s Notebook ang Scarborough Shoal. Nadatnan ng team ang iba pang Pilipinong mangingisda sa bungad ng Scarborough. Pero hindi pa man kami nagtatagal, natanaw na namin mula sa malayo ang mga barko ng China Coast Guard.
Ilang saglit pa nang makitang papalapit sa bangka ang isang speedboat ng China Coast Guard. Ang pakay pala nila: manghingi ng isdang huli ng mga kasama namin. Kwento ng mga mangingisda, may ilang pagkakataong sapilitan ang pagkuha ng isda sa kanila. Sa isang video na nakuha ng Reporter’s Notebook, makikita ang mga kawani ng China Coast Guard habang pinipilian at kinukuha ang mga isdang nahuli at iuuwi na sana ng mga Pilipinong mangingisda bilang kabuhayan.
Sa unang bahagi ng “BATAS NG KARAGATAN,” samahan ang Reporter’s Notebook sa pagpasok sa Scarborough Shoal kasama ang ilang kababayan nating mangingisda ngayong Huwebes, June 7, pagkatapos ng Saksi!