Kakulangan ng supply ng NFA rice, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'
Ang pagdaong ng malalaking bangka sa Navotas Fish Port, hudyat ng pagdating ng biyaya para sa magkapatid na Mary Mae at Ashley. Naabutan namin silang paakyat sa mga bangka. Pakay nila, makahingi ng bahaw o tirang kanin mula sa mga tauhan ng bangka.
Pangangalakal ang kabuhayan ng pamilya nina Mary Mae pero dahil wala pa silang kita noong araw na iyon, ito muna ang pantawid-gutom nila. Kwento ng ina nina Mary Mae na si Aling Natividad, dati umaasa sila sa NFA rice para makamura sa bigas. Pero nitong nakaraang buwan daw, tuluyang nawala ang NFA rice sa kanilang palengke.
Ang presyo ng NFA rice, naglalaro sa 27 pesos ang pinakamura at 32 pesos naman ang pinakamahal. Malaking bagay ito para sa mga kapos sa buhay gaya nina Aling Natividad. Ang pinakamurang commercial rice kasi ay nasa 38 pesos. Para makakain ng kanin, lumang bigas ang binibili nina Aling Natividad.
Tinungo ng Reporter’s Notebook ang pinakamalaking NFA warehouse sa Quezon City. Kung dati halos mapuno ito ng NFA rice, ngayon, halos wala na itong laman maliban sa ilang sakong inilalaan raw para sa kalamidad. Pero paano nga bang humantong sa ganitong sitwasyon ang suplay ng NFA rice?
Abangan ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan at ng lipunan ngayong April 26, 2018, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.