Problema sa basura, tatalakayin ng 'Reporter's Notebook'
Halos matakpan na ng basura ang bahaging ito ng San Juan River sa Kalentong, Mandaluyong City. Hindi na makadaloy nang maayos ang tubig dahil sa kapal ng naghalo-halong basura. Araw-araw dinaraanan ng maraming tao ang ilog, pero tila walang gumagawa ng aksyon para linisin ito.
Hindi rin nalalayo ang sitwasyon ng Estero de Magdalena sa Maynila. Nangingitim ang tubig at halo-halo na rin ang basura sa estero. Nakapaligid rin sa estero ang ilang informal settler na diretsong nagtatapon ng kanilang mga dumi at basura rito. Sinamahan ng Reporter’s Notebook ang ilang tauhan ng MMDA sa paglilinis sa Estero de Magdalena.
Nakasaad sa Republic Act 9003 o Solid Waste Management Act na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa kalsada, maging sa mga estero. Kailangan ring magkaroon ng segregation ng basura bago ito itapon sa landfill. Ibig sabihin nakahiwalay na ang mga nabubulok, hindi nabubulok at mga pwede pang i-recycle. Pero marami pa rin ang hindi sumusunod dito. Patunay dito ang mag binisita naming ilog at estero na naguumapaw na sa basura.
Sa datos ng National Solid Waste Management Commission, umaabot sa 9,000 toneladang basura ang nahahakot sa Metro Manila kada araw. Kung susumahin, aabot ito sa mahigit tatlong milyong toneladang basura kada taon. Sa dami ng naiipong basura, hindi raw malayong matabunan na tayo ng basura pagdating ng panahon.
Abangan ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan at ng lipunan sa “BASURA IN THE CITY” ngayong April 19, 2018, 11:35 pm sa 2018 New York Festivals Bronze World Medalist, 2017 New York Festivals Gold World Medalist, at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.