Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ilang pabahay ng NHA na nakatiwangwang, tampok sa 'Reporter's Notebook'


 


Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat Pilipino ang pagkakaroon ng sariling bahay. Ang National Housing Authority at maging ang ilang lokal na pamahalaan, binigyan ng mandato na magtayo ng abot-kayang pabahay para sa mga mahihirap. Pero ang ilang itinayong pabahay, iniwang nakatiwangwang at hindi naman natitirahan.

Sa bayan ng Pavia sa Iloilo City, matatagpuan ang isang housing project para sa mga empleyado ng munisipyo. Pero pagdating sa pabahay, halos hindi mo na makita ang mga housing unit. Balot na kasi ang mga ito ng makapal na halaman at matataas na talahib. Ilang hayop rin gaya ng kambing ang nakita namin sa paligid ng inabandonang housing units. 2001 pa sinimulang itayo ang pabahay, pero hindi ito natapos. Wala ni isang empleyado ang tumira rito.

Sa Iligan City, Lanao del Norte, matatagpuan naman ang Bay Vista Village Housing. Itinayo ang pabahay para sa mga naging biktima ng bagyong Sendong noong 2011. Nasa 400 million pesos ang inilaan na pondo ng gobyerno para magtayo ng nasa 1400 housing units. Sa kasalukuyan, nasa 1,170 na ang naitatayong unit pero nasa 331 pa lamang ang okupado. Nang puntahan namin ang mga unit na wala pang nakatira, nadatnan namin ang ilan na wala pang mga pinto, bintana at wala ring linya ng kuryente. Ang ilan, may mga bitak sa mga pader. Sa gitna ng aming pag-iikot, nakilala namin ang isa sa mga residente ng pabahay na si Liza. Maging sila na nakatira na sa pabahay, marami pa ring idinaraing na problema. Ang kanilang housing unit kasi, wala pa ring suplay ng tubig at kuryente kahit na noong nakaraang taon pa sila lumipat dito.

Abangan ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan sa “PERA NATIN ‘TO: PABAHAY” ngayong April 12, 2018, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

Tags: pr