Mga proyekto ng gobyerno na nakatiwangwang, siniyasat ng 'Reporter's Notebook'

Ang bawat kusing na ginagastos ng gobyerno para sa pagpapatayo ng mga imprastraktura gaya ng kalsada, tulay at mga gusali, nagmumula sa kaban ng ating bayan. Pero paano kung ang mga ginastusan ng milyon-milyong piso, nakatengga, unti-unting nasisira at hindi naman napakikinabangan ng mamamayan?
Naglakbay ang Reporter’s Notebook mula Luzon, Visayas hanggang Mindanao para personal na mabisita ang ilang proyekto ng gobyerno na ngayon ay nakatiwangwang at tila napabayaan.
Sa bayan ng Lambunao sa Iloilo, naabutan ni Jun Veneracion ang pagpasok ni Jharryl Legada, labing-apat na taong gulang, sa paaralan. Ang mga estudyanteng gaya niya, kailangang tumawid ng ilog dahil sa kawalan ng tulay. Mas mahirap daw kapag malakas ang ulan, dahil ang tubig sa ilog, umaabot ng lampas-tao ang lalim.
Pero natuklasan ng Reporter’s Notebook na isang tulay ang ipinatayo ilang metro lamang ang layo mula sa ilog na tinatawiran nina Jharyll. Ang problema, hindi pa rin natatapos ang tulay matapos ang mahigit sampung taon kaya ang mga bata patuloy na nagdurusa.
Sa Batangas City, tinungo naman ng Reporter’s Notebook ang Batangas Provincial Livelihood Center, isang tatlong palapag na gusali na itinayo noong taong 2004 para sana gawing sentro ng komersyo para sa ilang residente ng Batangas. Ang ginastos sa proyektong ito: 237 million pesos. Minsan nang pinuna ng Commission on Audit o COA ang proyekto dahil ni minsan ay hindi nagamit ang livelihood center.
Sa pagbisita naman sa Cagayan de Oro City, naabutan naming nakatiwangwang ang Cagayan de Oro City International Convention Center na itinayo noong 2003. Binuo ito para sana pagdausan ng mga mahahalagang okasyon sa Mindanao. Ang kabuuang ginastos para sa proyekto: 349 million pesos. Makalipas ang labing limang taon, unti-unti nang nasisira ang gusali pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito napakikinabangan.
Abangan ang mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan sa unang bahagi ng “PERA NATIN ‘TO” kasama sina Maki Pulido at Jun Veneracion ngayong March 8, 2018, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.