Estado ng isla ng Boracay, inalam ng ‘Reporter’s Notebook’
Minsan nang itinuring na World’s Best Island ang isla ng Boracay. Isa rin ito sa world’s top travel destinations. Sino ba naman ang hindi mahuhumaling sa pamoso nitong white sand beach at mala-kristal na tubig? Pero laman na naman ngayon ng balita ang isla dahil sa problema sa waste water at sa nangyayaring overdevelopment dito. Tinawag ni Pangulong Duterte na isang cesspool o tapunan ng dumi ang Boracay. Anim na buwan ang ibinigay na palugit ng pangulo sa mga nakatalagang ahensya ng gobyerno para linisin at isalba ang Boracay.
Para malaman ang kasalukuyang sitwasyon sa isla, nagtungo rito ang Reporter’s Notebook. Pagsakay pa lang namin sa sasakyang magdadala sa amin sa beach, napansin naming napakabigat ng daloy ng trapiko sa main road ng Boracay. Tuwing peak season, ang labinlimang minutong biyahe papunta sa white beach ay umaabot ng halos isang oras.
Una naming tinungo ang Bulabog beach o mas kilala sa tawag na back beach ng Boracay. Naging viral sa social media kamakailan ang mga tubong naglalabas ng maitim na tubig sa back beach. Makikitang bumubulwak papunta sa dagat ang maruming tubig mula sa pipe. Napag-alaman ng Reporter’s Notebook na ginawa ang mga tubo para maging daluyan ng rainwater, pero malinaw na maruming tubig ang lumalabas dito. Kung tutuusin, may accredited sewerage treatment plant sa Boracay pero hindi lahat ay konektado dito. Ayon mismo sa datos ng DENR, nasa 2,600 ang bilang establishments sa Boracay. Sa bilang na ito, 834 ang nagdidischarge ng waste water. Pero ang nakababahala, 118 lamang sa mga ito ang may discharge permit at 716 ang walang permit. At ayon mismo sa DENR, posibleng nagtatapon sila direkta sa dagat ng kanilang mga dumi gaya ng lumalabas sa tubo sa Bulabog beach.
Kung susuriin, isa ang dahilan kung bakit nananatiling problema ang waste water sa Boracay: ang patuloy na pagtatayo ng mga istruktura sa isla nang higit sa carrying capacity ng Boracay.
Bukod sa overdevelopment, isa pang isyung hinaharap ngayon ng isla ay ang kanilang solid waste management. Saan nga ba dinadala ang basura ng Boracay? Tinungo namin ang tinawag nilang materials recovery facility o MRF sa isla.
Huwag palalampasin ang “BANTA SA BORACAY” ngayong February 22, 2018, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.