Pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tinutukan ng 'Reporter's Notebook
Sa gitna ng traffic, usok at init sa kahabaan ng EDSA, abala ang street sweeper na si Annabel Cardeno sa paglilinis sa bawat sulok ng kalsada. Araw-araw, nasa limang kilometro ang kailangan niyang ikutin at linisin. Single parent si Annabel, kaya kahit may sakit, kailangan niyang pumasok para hindi mabawasan ang kita. Nasa mahigit walong libong piso ang sahod kada buwan ni Annabel. Kabilang siya sa mahigit pitong milyong tinatawag na low income class sa bansa, mga kumikita ng P7,890 hanggang P15,780 kada buwan.
Pero ang kanyang sahod kulang na kulang daw para sa buwanang bayad ng renta sa bahay, kuryente, tubig, budget sa pagkain, baon ng mga anak at kanyang pamasahe. Kaya madalas, kinakailangan niyang mangutang. Ang malungkot, sa laki ng utang ni Annabel, nakasanla ngayon ang kanyang ATM. Nang araw na makilala naming siya, ipinagkasya niya ang isang daang piso para sa pagkain ng kaniyang apat na anak.
Ang nabili niyang gulay, kakarampot lang. Lumang bigas na lang din ang kanyang nabili dahil ito na ang pinakamura. Hindi na rin aabot ang kanyang pera para makabili ng karne.
Hinaing ng mga gaya ni Annabel, tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo pero ang kanilang sahod hindi naman nakakasabay. Kaya sa huli, palaging namemeligro ang kanilang bulsa. Dumidiskate na lang para hindi magutom ang pamilya.
Huwag palalampasin ang “BULSA DE PELIGRO” ngayong November 23, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.