Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang pagtatapos ng krisis sa Marawi, tinutukan ng 'Reporter's Notebook'


 


 


Makalipas ang limang buwang giyera sa pagitan ng gobyerno at mga terorista, idineklarang malaya na ang Marawi City. Napatay ang dalawang mataas na lider ng Maute-ISIS: sina Isnilon Hapilon at Omar Maute. Sa kauna-unahang pagkakataon, napasok ng Reporter’s Notebook ang itinuturing na main battle area. Wasak at halos wala nang nakatayong gusali sa loob ng main battle area. Ayon sa mga militar, kinailangang gawin ito para mapuksa ang mga kalaban.

Hindi naging madali bago tuluyang napatay ng mga militar ang dalawang lider ng Maute-ISIS. Matatandaan na noong May 23 nitong taon, ilang armadong miyembro ng Maute ang lumusob sa Marawi City. Natuklasan ding naroon ang Abu Sayaff leader na si Isnilon Hapilon na nakipagsanib pwersa sa Maute group. Napasok din ng Reporter’s Notebook ang gusali kung saan unang nagkuta ang mga terorista.

 


Ilang videos din ng bakbakan ang aming nakuha. Idinokumento ng mga combat cameraman ang bawat galaw ng mga sundalo at maging ng kalaban. Kitang-kita rin sa mga drone footage kung paano binantayan ng mga sundalo ang gusali kung saan nagtatago ang Maute-ISIS. Hanggang sa tuluyan nang mapatay sina Hapilon at Omar Maute noong October 16.  Nakunan din ng drone camera pa ang pagrecover ng mga sundalo sa katawan ng dalawa.

 


Naging makapigil-hininga rin ang pagsagip sa ilang hostages kabilang na ang isang dalawang buwang gulang na sanggol at mga bata. Uhaw na uhaw na mga bihag ang tumambad sa mga sundalo. Sa ngayon ay nasa kustodiya na raw ng AFP at lokal na pamahalaan ang mga nailigtas. Sa pinakahuling tala ng gobyerno, umabot sa 920 ang bilang ng napatay na Maute-ISIS, nasa 1,700 ang nailigtas na mga bihag at umabot naman sa 165 ang bilang ng sundalo at pulis na nasawi sa bakbakan.

Ngayong humupa na ang tension, anong mga leksyon nga baa ng natutunan matapos ang krisis sa Marawi?

Huwag palalampasin ang “KRISIS SA MARAWI: ANG PAGTATAPOS” ngayong October 26, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

Tags: pr