Iba't ibang kaso ng pang-aabuso ng karapatang pantao, tatalakayin ng 'Reporter's Notebook'
Lahat tayo may mga karapatan sang-ayon sa batas. Karapatan ng sinuman ang maprotektahan laban sa unreasonable search o paghalughog na labag sa batas lalo na kung walang search warrant. Walang sinuman ang dapat mapagkaitan din ng buhay at kalayaan lalo na kung hindi dumadaan sa tamang proseso ng batas.
Pero paano kung ang lumalabag sa mga karapatang ito, mismong mga alagad ng batas? Makailang ulit nang naidokumento at nakunan ng video ang diumano'y pang-aabuso ng ilang miyembro ng kapulisan. May ilang diumano'y sangkot sa pagnanakaw, pangingidnap at may ilang sangkot sa pagpatay.
Nito lamang nakaraang linggo, isang bahay sa barangay Tala sa Caloocan City ang nilooban ng labing-anim na armadong lalaki. Lumalabas na sa labing-anim na lalaking nakunan ng CCTV, labing-apat ang pulis Caloocan. Ang problema, natuklasan din na walang search warrant o anumang basehan para pumasok nang walang paalam sa bahay na iyon ang mga pulis. Ang masaklap, ninakawan pa ang bahay ng dalawang relo, isang cellphone, at cash na may kabuuang halagang tatlumpung libong piso.
Ilang miyembro rin ng Caloocan Police ang nasangkot sa ilang kontrobersyal na kaso ng pagpatay. Una na rito ang kaso ng labing-anim na taong gulang na si Kian delos Santos at maging ang kaso ng labing siyam na taong gulang na si Carl Angelo Arnaiz. Ayon sa mga pulis, parehong nanlaban ang dalawa
Ano nga ba ang kinahinatnan ng ilang kasong ito? Paano masisigurong mapoprotektahan ang karapatan ng sinuman?
Huwag palalampasin ang “KARAPATAN NG MAMAMAYAN” ngayong September 21, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.