Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Yapak sa Pusod ng Dagat: Isang dokumentaryo ng 'Reporter's Notebook'


 


Sa isang bayan sa Visayas, nakilala ng Reporter’s Notebook ang magkakapatid na sina Dodong, dalawampu’t dalawang taong gulang, Michelle, labing tatlong taong gulang at Manilyn, labing dalawang taong gulang. Sama-sama silang lumulusong sa karagatan sa lalim na labing lima hanggang tatlumpung talampakan. Gamit ang mga hose na may hangin mula sa compressor, nilalakad nila ang ilalim ng dagat hanggang marating ang minahan. Dito, pinapala nila ang buhangin at inilalagay sa sako. Umaasa silang may makukuhang ginto mula rito.

Minana na nina Michelle mula sa kanilang mga magulang ang ganitong hanapbuhay. Sa kanilang murang edad, pinatibay na sila ng bigat ng trabaho. Grade eight ngayon si Michelle at grade seven naman si Manilyn. Kailangan raw nilang tumulong sa pagmimina para masigurong maipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral. Si Dodong kasi, napilitan nang tumigil sa pagpasok sa eskwela.

Sa pampang ng dagat, makikita ang sala-salabat na hose. Dito nagmumula ang suplay ng hangin ng mga nagmimina sa ilalim. May mga pagkakataon daw na biglang pumuputok ang mga hose at nalalagay sa panganib ang mga nasa ibaba. Ang panganib na ito hindi alintana ng Mang Val, anim na taon nang nagmimina. Katulong niya ang kanyang anak na si Marvin, labing dalawang taong gulang sa pagsisid. Kailangan nila itong gawin para sa ilaw ng kanilang tahanan na si Aling Marieta, isang taon na siyang pinapahiran ng kanyang bukol sa dibdib.

Nasa dalawampung pamilya ang umaasa sa ganitong uri ng hanapbuhay sa lugar nina Michelle. Ang ibang mas matatagal na sa pagmimina, hindi lang pagpapala ng buhangin ang ginagawa. Kailangan nilang maghukay ng mga tunnel sa ilalim ng dagat para magtiktik ng batong may ginto.

Huwag palalampasin ang “YAPAK SA PUSOD NG DAGAT” ngayong August 17, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

Tags: pr