Ikalawang SONA ng Pangulong Duterte, tinutukan ng 'Reporter's Notebook'
Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address o SONA, marami ang nag-abang sa magiging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa mahahalagang isyu sa Pilipinas. Saan nga ba niya dadalhin ang bansa sa susunod pang mga taon?
Mula kampanya hanggang sa kanyang ikalawang SONA, ang laban kontra-droga ang paulit-ulit na tema ng talumpati ng pangulo. Bukod rito, nabanggit din ng Pangulo ang pagpapalawig ng health insurance sa bansa, sabay sabing libreng makukuha ng mga mahihirap ang serbisyong medikal sa mga pampublikong ospital.
Malaking tulong sana ngayon kay Juvilyn Ancheta kung may sasagot nga sa pagpapagamot ng kanyang mga kaanak na may sakit. Nitong Lunes lang nang matuklasang may pneumonia ang kanyang bunsong anak. Inatake naman sa puso ang kanyang amang si Mang Jaime nito lamang nakaraang buwan.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang pagbibigay suporta sa Overseas Filipino Workers o OFWs. Si Juvilyn, kakabalik-bansa lang mula sa mahigit isang taong pagtatrabaho sa Kuwait bilang domestic helper. Ang malungkot, nakaranas raw siya doon ng pang-aabuso. Pero sa kabila nito, desidido pa rin siyang mangibang-bansa.
Malaking pasakit rin para sa mga commuter gaya ni Juvilyn ang kasalukuyang estado ng transport system sa bansa. Muling inikot ng Reporter’s Notebook ang railway system sa Metro Manila upang malaman kung may nangyari nang pagbabago. Ang biyahe ng mga commuter, pinalala pa ng matinding traffic na tila wala nang pilipiling oras.
Susuriin din ang iba pang isyung tinalakay ng pangulo gaya ng iresponsableng pagmimina, ang patuloy na kaguluhan sa Marawi City, pagpapalawig ng Batas Militar at ang hinaharap ng usaping pangkapayapaan sa Mindanao.
Huwag palalampasin ang “DUTERTE: ANG IKALAWANG SONA” ngayong July 27, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.