Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Ang unang taon ng Pangulong Duterte, binatayan ng 'Reporter's Notebook'


 

Umabot na ng isang taon ang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kanyang kampanya, change o pagbabago ang kanyang naging plataporma. Sa loob ng isang taon, ano-ano nga ba sa kaniyang mga pangako ang natupad na? At alin naman ang inaantabayanan pa? Ano ang nagawa para tugunan ang mga isyung mahalaga sa taumbayan, tulad ng: trabaho, kahirapan, kriminalidad at pambansang segurirad.

July 2016, naabutan namin ang pamilya ni mang Juanito Saga, limampu’t siyam na taong gulang, habang nanonood ng unang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Duterte. abala naman noon sa pagbabasa ang anak ni Mang Juanito na si Anabel, sampung taong gulang. Nakatira sila sa isang barong-barong. Pangarap niya noon, mabigyan daw sana sila ng disenteng tirahan. May sakit pa noon ang kanyang inang si Aling Julieta.

Makalipas ang isang taon, binalikan namin ang pamilya ni Mang Juanito. Namamasukan siya ngayon bilang isang construction worker. Pero hindi ito regular, tatlong araw lang sa isang linggo ang pasok niya kaya madalas kapos pa rin sila.

Base sa Philippine Statistics Authority, bahagyang bumaba ang bilang ng unemployement rate sa bansa. Mula 2.6 milyong katao noong April 2016, nasa 2.4 milyong  katao ito ngayong April 2017. Sa kabila nito, sa isang survey ng Social Weather Stations na inilabas nitong March 2017, tumaas ang bilang ng mga nagsasabing mahirap sila. Mula 10 milyong pamilya noong December 2016, umakyat ito sa 11.5 milyong pamilya nitong March 2017.

Isang tugon ng administrasyong Duterte kontra kahirapan: ang pagtataas ng pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program: mula 62 bilyong piso noong 2016, ginawa itong 78 bilyong piso ngayong 2017.

Pero nalaman ng Reporter’s Notebook na bukod sa dinaranas nahirap, may mas matindi pa palang pinagdaanang problema ang pamilya ni Mang Juanito at Anabel. Ang panganay na anak ni Mang Juanito nakulong dahil sa kasong paggamit ng ilegal ng droga. Ang mas malungkot, ang kanyang asawang si Julieta, napatay ng mga hindi pa rin nakikilalang salarin nito lamang nakaraang buwan.

Sa loob lang ng isang taon, mahigit isang milyong mga drug user at pusher ang sumuko ayon mismo sa PNP. Pero hindi rin maitatangging naging madugo ang kampanya kontra-droga ng administrasyon. Umabot na sa 3,315 ang bilang ng mga napatay na drug suspect sa mga police operation matapos umanong manlaban. Kung titingnan pa rin ang datos ng PNP, bukod sa mga napatay sa lehitimong police operation, higit na mas malaking bilang ang mga homicide cases under investigation na umabot na sa  mahigit anim na libo mula July 1, 2016 hanggang March 24, 2017.

Huwag palalampasin unang bahagi ng “DUTERTE: ANG UNANG TAON” isang espesyal na ulat ngayong July 20, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.

 
Tags: pr