Isyu ng malnutrisyon, tatalakayin ng 'Reporter's Notebook'
Halos dalawang oras mula Calapan, Oriental Mindoro, mararating ang Sitio Paglagnan, Barangay Sabang sa bayan ng Pinamalayan. Dito naninirahan ang ilang katutubong Mangyan. Bandang alas tres ng hapon, lumipas na ang oras ng pananghalian, pero noon pa lang kakain ang mga anak ni Gorgonio Mataya. Kamoteng kahoy ang pantawid-gutom ng mga anak ni Gorgonio na sina Princess, apat na taong gulang at Jessica, isang taong gulang.
Kasama ng Reporter’s Notebook ang ilang health workers nang bumisita sa Sitio Paglagnan. Pagtitimbang sa mga bata ang ginawa nilang aktibidad. Si Princess, sa edad na apat na taong gulang, dapat ay nasa dalawampung kilo ang timbang pero nasa labing dalawang kilo lang. Si Jessica naman, nasa walong kilo lang na dapat nasa sampung kilo pataas.
Isang taon at dalawang buwang gulang na si Norzalyn Isingan, isang katutubong Badjao na nakatira sa Barangay Barra, Lucena City. Pero sa kanyang itsura, animo’y dalawang buwang gulang pa lang sya. Kung ikukumpara ang kanyang laki sa ibang batang kasing edad niya, malayong-malayo ang kanyang hitsura.
Gaya ng mga batang Mangyan sa Oriental Mindoro, kapos din sa pagkain ang pamilya ni Norzalyn. Nang araw na iyon, tirang isda at kaunting kanin lang ang kanilang pinagsaluhan. Pangingisda ang kabuhayan ng ama ni Norzalyn pero nasira ang kanilang bangka kaya dalawang linggo na siyang hindi nakalalaot. Ang barangay Barra ang may pinakamataas na bilang ng mga “underweight o malourished” na mga bata sa buong Lucena City. Sa katunayan noong 2014, halos dalawampung porsyento, o mahigit isang daang kabataan dito, malnourished.
Huwag palalampasin ang “SILANG MGA GUTOM” ngayong May 18, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.