Bundok ng basura sa Iligan City, tampok sa 'Reporter's Notebook'
Papasok pa lang ng barangay Bonbonon sa Iligan City, mamamangha ka na sa tanawin rito. Pero sa gitna ng kabundukan, may umaalingasaw: isang bundok ng basura.
Dito itinatapon ang walumpu hanggang isang daang toneladang basura ng buong Iligan City kada araw. August 2013, binuksan ang dapat sana ay limang ektaryang sanitary landfill dito sa Iligan City pero sa kasalukuyang kalagayan nito na halo-halo na ang mga itinatapong basura, isa na ito ngayong open dumpsite. Kung tutuusin, taong 2000 pa nang isabatas ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, batas na nagbabawal sa lahat ng open at controlled dumpsite.
Pero dahil tone-tonelada na ang basura rito, umaapaw na ang katas ng barusa sa mga inilagay na treatment box. Hindi na rin nito nasasala at nate-treat ang katas ng basura. Ayon sa mga residente, ang maruming katas dumidiretso sa ilang yamang-tubig.
Sa totoo lang, hindi dapat dumidiretso ang lahat ng basura sa itinayong landfill. Dapat sana, ang mga na-segregate na basura ay dadaan muna sa isang tinatawag na Materials Recovery Facility o MRF. Pero sa basurahan sa Iligan City, magdadalawang taon nang hindi napakikinabangan at nakatengga ang MRF.
Huwag palalampasin ang “BUNDOK NG BASURA” ngayong April 27, 2017, 11:35 pm sa 2017 New York Festivals Gold World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.