Kaliwa't kanang paglindol sa Pilipinas, sisiyasatin sa 'Reporter's Notebook'
Maging sa ilalim ng dagat, nasaksihan ng ilang diver ang pagyanig ng lupa. Sa video, kita ang paggalaw ng mga coral at pag-angat ng lupa sa ilalim ng dagat dahil sa pagyanig.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, apat na malalakas na pagyanig ang naitala sa probinsya ng Batangas sa loob lang ng isa’t kalahating oras nitong April 8. Ang una, magnitude 5.6 na naitala bandang 3:07 ng hapon. Sa Mabini, Batangas ang naging epicenter ng lindol.
Sa tatlumpu’t apat na Barangay sa Mabini, walongdaan at labinglimang bahay ang naitalang partially damaged, isangdaan at labing-apat naman ang totally damaged. Kabilang ang tahanan ng animnapu’t isang taong gulang na si mang Edberto Mendoza. Dahil sa sunod-sunod na malalakas na lindol, bumigay ang likurang bahagi ng bahay ni Mang Edberto.
Umabot naman sa mahigit anim na libo at anim na raang pamilya ang naapektuhan ng lindol sa buong probinsya ng Batangas. Ayon sa PHIVOLCS, isa ang Batangas sa seismically active na lugar sa Pilipinas. Ang mga naranasang paggalaw ng lupa sa Batangas sa mga nakalipas na araw, dulot raw ng isang bagong local faultline na nakita ng PHIVOLCS.
Ngayon buwan ng Abril, hindi lamang ang probinsya ng Batangas ang nakaranas ng malalakas na lindol. Mula April 1, may apatnapu’t walong naitalang mga lindol na may magnitude 4 pataas sa buong bansa. At bagaman hindi konektado sa mga nangyaring lindol, isa ang West Valley Fault System sa mga binabantayan ng PHIVOLCS. Hinog na raw kasi ito para sa isang paggalaw.
Huwag palalampasin ang “YANIG NG LUPA” ngayong April 20, 2017, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.