Pagkakasangkot ng mga pulis sa mga krimen, tatalakayin sa 'Reporter's Notebook'
Sa cellphone video na ito na nakunan ng isang concerned citizen nitong April 2, 2017, makikita ang isang tao habang sinusuntok ng isang unipormadong pulis. Nakilala ng Reporter’s Notebook ang biktima na nasa video. Isinalaysay ni Sam, hindi niya na tunay na pangalan, ang sinapit niya sa kamay ng pulis. Lumapit si Sam sa Commission on Human Rights para magsampa ng reklamo laban sa mga pulis.
Nakunan din ng CCTV ang pambubugbog ng isa pang pulis sa isang motorista sa harap at sa loob mismo ng Police Station 5 sa Fairview, Quezon City noong March 17, 2017. Away-trapiko ang sinasabing pinagmulan ng gulo.
March 30, 2017, nahuli naman habang gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot si Supt. Lito Cabamongan sa isang bahay sa Barangay Talon Kwatro sa Las Piñas City. Inaresto si Cabamongan at kasalukuyang nakakulong sa Las Piñas City Jail. Nagpositibo siya sa drug test na isinagawa sa Camp Crame. Sa datos mula sa Philippine National Police, lumalabas na sa mahigit isang daan at animnapung libong pulis na sumailalim sa drug test mula Enero 2016 hanggang Marso 2017, dalawang daan at labing lima ang nagpositibo.
Pero ang isa sa pinakakontrobersyal na kasong kinasangkutan ng mga pulis: ang pangingidnap at pagkakapatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo. Ang mga sangkot na pulis, miyembro ng Anti-Illegal Drugs Group at Anti-Kinapping Group ng PNP.
Naging kontrobersyal din ang pagkakapatay ng mga miyembro ng CIDG Region 8 kay Albuera Mayor Rolando Espinosa. Ayon sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation, rub-out ang nangyari kay Espinosa. Sa isang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, iginiit niyang maaaring mabigyan ng pardon ang mga pulis sakaling mahatalung guilty sa pagpatay sa alkalde.
Sa datos na nakuha ng Reporter’s Notebook sa Office of the Ombudsman, pangalawa ang Philippine National Police sa mga ahensya ng gobyerno na may pinakamaraming opisyal na nasampahan ng iba’t ibang kaso noong taong 2016.
Huwag palalampasin ang “HULI-COP” ngayong April 6, 2017, 11:35 pm sa 2016 New York Festivals Bronze World Medalist at 2016 US International Film and Video Festival Silver Screen Awardee--Reporter’s Notebook pagkatapos ng Saksi sa GMA 7.